MANILA, Philippines – Ikinabahala ni Sen. Raffy Tulfo ang nasa 16 milyong hindi nagamit na syringe na nagkakahalaga ng P41.6 milyon na nakatengga sa Tala Warehouse at nakatakdang mag-expire sa 2027.
Orihinal na inilaan ang mga syringe para sa COVID-19 vaccination ngunit hindi nagamit matapos mahuli ang pagdating ng mga ito noong kasagsagan ng pandemya.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2027 budget ng Department of Health (DOH), sinabi ni Sen. JV Ejercito, sponsor ng budget ng ahensiya, na dumating ang mga syringe nang nagamit na ang ibang uri ng syringe para sa pagbabakuna.
“During my Senate team’s ocular inspection, tumambad ang napakaraming boxes na approximately 16-million unused na mga syringes– ayan, oh– intended for COVID-19 vaccination. Ayon sa paliwanag sa aming team, na-stock ang mga ito mula 2022 at mag-e-expire sa 2027. Kumbaga, hinabol nila. Patapos na ‘yung COVID, nag-order sila ng pagkarami-raming syringes. Alam naman nila na wala nang COVID. Pawala na, and yet humabol pa at nag-order ng napakaraming syringes na ‘yan,” ani Tulfo.
Ipinaliwanag naman ni Ejercito na dumating na ang Pfizer vaccine noong panahong iyon ngunit wala pa ang mga syringe, kaya gumamit ang DOH ng ibang syringe upang hindi maantala ang pagbabakuna.
Sinubukan ding ipamahagi ang mga hindi nagamit na syringe sa mga paaralan at ospital, ngunit walang tumanggap dahil partikular umano ang mga ito para sa Pfizer vaccine.
Nangako ang DOH na ibibigay kay Tulfo ang kopya ng ulat ng imbestigasyon sa naturang isyu.
Sinabi rin ni Tulfo na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa 24 milyong iba pang hindi nagamit na syringe na nakatago sa mga warehouse. RNT/MDS