MANILA, Philippines – Sinimulan nitong Biyernes sa Uganda ang clinical trial ng isang eksperimental na bakuna kontra Ebola, habang bumili naman ang isang pandaigdigang organisasyon ng 1.5 milyong dosis ng isa pang bakunang sinusubukan upang makatulong na mapigilan ang pagkalat ng sakit sa Democratic Republic of Congo (DRC).
Wala pang aprubadong bakuna o lunas laban sa Bundibugyo strain ng Ebola na sanhi ng kasalukuyang outbreak sa DRC. Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 11,000 kaso na ang naitala at mahigit 5,700 ang kumpirmadong nasawi mula nang ideklara ang outbreak noong Mayo.
Dalawang eksperimental na bakuna ang nakatakdang sumailalim sa pagsusuri sa Lunes sa sentro ng outbreak sa silangang bahagi ng DRC. Kabilang sa mga target ng pagsubok ang mga nakasalamuha ng mga pasyente at mga itinuturing na mataas ang panganib na mahawa.
Ang bakunang sinusubukan sa Uganda ay binuo ng US-based Moderna gamit ang mRNA technology na ginamit din sa ilang bakuna kontra COVID-19.
Ayon sa Uganda Virus Research Institute, ito ang kauna-unahang Phase 1 clinical trial ng mRNA vaccine sa Africa. Kabilang sa 224 malulusog na boluntaryong sasailalim sa pagsusuri ang mga edad isa hanggang 65 upang malaman ang kaligtasan at kakayahan nitong magbigay ng proteksiyon.
Ang isa pang bakuna, na binuo ng Serum Institute of India at University of Oxford gamit ang ChAdOx1 adenoviral vector technology, ay sisimulan ding subukan sa DRC sa Lunes.
Samantala, lumagda ang Gavi, the Vaccine Alliance, sa kasunduan sa Serum Institute para bumili ng 1.5 milyong dosis ng ChAdOx1 vaccine.
Plano ng Gavi na maghanda ng daan-daang libong dosis na maaaring agad ipamahagi sakaling maging matagumpay ang mga pagsubok at aprubahan ito ng WHO at pamahalaan ng DRC.
Ayon kay Emanuele Capobianco, direktor ng global health security ng Gavi, inaasahang matatapos ang mga clinical trial sa unang kalahati ng 2027, o posibleng sa unang quarter nito kung magiging maayos ang proseso.
Mayroon ding nakaimbak na 500,000 dosis ng Ervebo vaccine ang Gavi, na ginagamit laban sa Zaire strain ng Ebola. Sinusubukan din ito upang malaman kung epektibo laban sa Bundibugyo strain.
Samantala, idineklarang Ebola-free ang Uganda noong Agosto matapos makapagtala ng 20 kaso, kabilang ang dalawang nasawi. Matagumpay nitong napigilan ang pagkalat ng sakit matapos makapagtala ng ilang kasong nagmula sa ibang bansa noong unang bahagi ng taon. RNT/MDS