CAVITE, Philippines – Nasawi ang isang 65-anyos na senior citizen matapos mahulog mula sa sinasakyang e-bike nang mabangga ito ng isang Mitsubishi L300 sa Naic, Cavite.
Kinilala ang biktima sa alyas na Bibiana, residente ng Timalan Balsahan, Naic.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga sa kahabaan ng Antero Soriano Highway, Barangay Ibayo Silangan.
Minamaneho ni alyas Joel ang e-bike habang ang biktima ang angkas nito nang masagi sila ng isang kulay polar white na Mitsubishi L300 na may plakang NKE 7901.
Dahil sa banggaan, nawalan umano ng kontrol ang driver ng e-bike at tumilapon ang biktima sa sementadong kalsada, dahilan upang magtamo ito ng malubhang sugat.
Isinugod si Bibiana sa Naic Medicare Hospital bago inilipat sa San Lorenzo Hospital, subalit binawian din ito ng buhay habang ginagamot.
Sa halip na huminto at tumulong sa biktima, tumakas umano ang driver ng L300 patungo sa direksiyon ng Tanza, Cavite.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Land Transportation Office (LTO) at nagsasagawa ng backtracking sa mga kuha ng CCTV upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver. Margie Bautista