MANILA, Philippines – Maglalabas ang Social Security System (SSS) ng kabuuang P45.26 bilyon para sa 13th month at pensiyon ngayong Disyembre 2026 para sa mahigit 4.1 milyong pensiyonado, simula Disyembre 1.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Victor Alfonso A. Limlingan, ipapasok sa mga account ng mga benepisyaryo ang kanilang 13th month at buwanang pensiyon sa dalawang yugto sa unang linggo ng Disyembre.
Sa unang yugto na magsisimula sa Disyembre 1, makatatanggap ng kabuuang P25.33 bilyon ang tinatayang 2.39 milyong pensiyonado ng SSS at Employees’ Compensation (EC).
Samantala, sa ikalawang yugto sa Disyembre 4, ipapasok naman ang P19.88 bilyon para sa humigit-kumulang 1.70 milyong pensiyonado.
“Ito ang aming paraan ng pagbabalik-pabor sa aming mga pensiyonado, na nag-ambag sa Sistema noong sila ay aktibo pa sa pagtatrabaho. Umaasa kami na ang karagdagang benepisyong ito ay magdadala ng saya at ginhawa sa kanila at sa kanilang mga pamilya ngayong Pasko,” ani Limlingan.
Maglalaan din ang SSS ng humigit-kumulang P28.81 milyon para sa 13th month at pensiyon ng mahigit 3,798 pensiyonado na gumagamit ng mga bangkong hindi kalahok sa PESONet at ng mga tumatanggap ng tseke.
Makatatanggap ng kanilang pensiyon sa Disyembre 4 ang mga benepisyaryo na gumagamit ng mga bangkong hindi kabilang sa PESONet. Hiniling din ng SSS sa Philippine Postal Corporation na pabilisin ang paghahatid ng mga tseke sa mga rehistradong tirahan ng mga pensiyonado.
Samantala, sa Disyembre 4 rin matatanggap ng mga pensiyonadong kumuha ng advance na pensiyon para sa 18 buwan ang kanilang 13th month pension.
Awtomatikong ipapasok sa mga account ng lahat ng kuwalipikadong SSS pensioner ang 13th month at Disyembre pension, kabilang ang mga tumatanggap ng retirement, disability at survivorship pension.
Mas mataas na pensiyon sa ilalim ng reporma
Mas mataas ang 13th month at Disyembre 2026 pension kumpara noong 2025 kasunod ng ikalawang yugto ng pagtataas ng pensiyon sa ilalim ng Pension Reform Program na ipinatupad noong Hunyo 2026.
Sa ilalim ng programa, may taunang pagtaas sa pensiyon tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027.
Tumaas nang 10% ang buwanang pensiyon ng mga retirement at disability pensioner, habang 5% naman ang itinaas sa pensiyon ng mga benepisyaryo ng death at survivor pension.
Simula Disyembre 1988, nagbibigay na ang SSS ng 13th month pension sa mga pensiyonado nito at ng Employees’ Compensation. Katumbas ito ng isang buwang pensiyon ng benepisyaryo.
Sa loob ng 38 taon, naging taunang tradisyon na ang pagbibigay nito bilang pagkilala sa mga naging kontribusyon ng mga pensiyonado noong aktibo pa silang nagtatrabaho. Santi Celario