Home NATIONWIDE Sandiganbayan, ipinaiimbestiga sa NBI pekeng mahistrado na nanghingi ng P300K

Sandiganbayan, ipinaiimbestiga sa NBI pekeng mahistrado na nanghingi ng P300K

1
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng Sandiganbayan Third Division ang National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin ang taong nagpanggap na isa sa mga mahistrado nito upang manghingi umano ng pera sa anak ng isang co-accused sa kasong plunder ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa inilabas na kautusan nitong Biyernes, sinabi ng korte na nakatanggap ito ng urgent manifestation mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng isang indibidwal na nagpanggap bilang chairman ng Third Division na si Associate Justice Karl Miranda.

Ayon sa ulat, nagpakilalang Miranda ang naturang indibidwal sa isang tawag sa telepono sa anak ni Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp. at kapwa akusado ni Romualdez sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P7.44 bilyong kickback.

Sinabi umano ng nagpapanggap na mahistrado na maaaring magbayad ng P300,000 ang anak ni Guevarra bilang “cash bond” kapalit ng pagkakabasura sa kaso ng kanyang ama, na ibabalik din umano ang pera.

Ini-refer ng Sandiganbayan sa NBI ang ulat ng Ombudsman, kasama ang mga kalakip na dokumento, para sa imbestigasyon at kaukulang aksiyon.

Inatasan din ang NBI na tukuyin ang mga sangkot, alamin ang mga pangyayari sa insidente at magsumite sa korte ng ulat at rekomendasyon matapos ang imbestigasyon.

Ayon sa Sandiganbayan, seryosong usapin ang pagpapanggap bilang miyembro ng korte, lalo na kung ginagamit ito upang manghingi ng suhol, dahil nakaaapekto ito sa integridad, kalayaan at awtoridad ng hudikatura.

Binigyang-diin din ng korte na walang sinumang mahistrado ang awtorisadong manghingi o tumanggap ng pera, regalo o anumang kapalit para sa aksiyon sa isang kaso.

Pinayuhan ang publiko na maghinala at agad ireport sa kinauukulan ang anumang ganitong panghihingi, personal man itong gawin, sa pamamagitan ng tagapamagitan o gamit ang pangalan ng korte, mahistrado o kawani nito. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here