MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ng China ang mga hakbang nito upang pangalagaan ang teritoryo at karapatang pandagat nito sa South China Sea, kasunod ng pagpapalawak ng kooperasyong pangdepensa ng Pilipinas at Australia.
Ito ang pahayag ni Chinese Defense Ministry Spokesperson Chen Xi matapos tanungin tungkol sa bagong nilagdaang Defense Cooperation Arrangement ng Pilipinas at Australia, na ayon sa kanya ay naglalayong kontrahin ang China.
“Our actions to safeguard territorial sovereignty and maritime rights and interests are legitimate and justified,” ani Chen sa isang press briefing na ibinahagi ng Chinese Embassy sa Maynila sa Facebook.
Nagbabala rin siya na magpapatuloy ang Beijing sa pagtugon sa mga itinuturing nitong probokasyon sa pinagtatalunang karagatan.
“We will continue to take necessary countermeasures against provocations and resolutely thwart any attempt to destabilize the South China Sea,” dagdag niya.
Inakusahan din ni Chen ang ilang Pilipinong politiko na nagpapakalat umano ng maling salaysay tungkol sa China at humihingi ng suporta mula sa mga dayuhang bansa upang palakasin ang kanilang posisyon sa sigalot sa karagatan.
“Driven by self-interest, certain Filipino politicians peddle false narratives about China, keep stirring up troubles, and seek to rope in outside forces to back them up and make waves,” aniya.
Ayon pa kay Chen, lalo lamang magpapataas ng tensyon at makaaapekto sa katatagan ng rehiyon ang mga naturang hakbang. Hinimok din niya ang mga bansang hindi kabilang sa rehiyon na igalang ang soberanya at karapatang pandagat ng China.
“The South China Sea should be a sea of peace, friendship, and cooperation,” pahayag niya.
“Relevant non-regional countries should earnestly respect China’s sovereignty and rights and interests in the South China Sea, and stop meddling in the South China Sea issue,” dagdag pa ni Chen.
Inilabas ng Pilipinas at Australia ngayong buwan ang bagong Defense Cooperation Arrangement na nagtatakda ng mas malawak na pagtutulungan sa maritime operations, cyber defense, pagpaplano ng magkasanib na operasyon at pagtugon sa mga kalamidad.
Inilahad ang kasunduan sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Australian Prime Minister Anthony Albanese sa sidelines ng 49th ASEAN Summit and Related Summits noong Nobyembre 16.
Kabilang sa mga prayoridad ng kasunduan ang maritime domain awareness, littoral operations, logistics, cyber defense, ligtas na komunikasyon, joint operations planning, proteksiyon sa mga tauhan, disaster response at pagpapaunlad ng imprastraktura para sa depensa.
Sa magkasanib na pahayag na pinamagatang “Kasandigan,” nangako rin ang dalawang bansa na palakasin ang ugnayan ng kanilang mga lider, opisyal at sandatahang lakas, kabilang ang konsultasyon sa mga posibleng banta sa kanilang soberanya at interes sa seguridad.
Nagpahayag din ang Pilipinas at Australia ng seryosong pagkabahala sa mga tinawag nilang mapilit, agresibo at mapanganib na hakbang laban sa mga Pilipino at sasakyang-pandagat ng bansa sa South China Sea.
Muli rin nilang pinagtibay ang pinal at may-bisang katangian ng 2016 arbitral award.
“In the tenth anniversary year of the South China Sea Arbitral Tribunal Award of 12 July 2016, we reaffirm the final and binding nature of the Award on the parties to the Arbitration,” ayon sa magkasanib na pahayag.
Nangako rin ang dalawang bansa na palawakin ang kooperasyon sa kaligtasan at seguridad sa karagatan, kalayaan sa paglalayag at paglipad, at iba pang legal na paggamit sa karagatan alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea. RNT/MDS