MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang pagiging patas ng nakatakdang paglilitis sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), dahil naniniwala siyang maaari itong gamitin ng tribunal upang maglabas ng pampulitikang pahayag.
Sa press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ng Bise Presidente na hindi niya inaasahang magiging patas ang paglilitis sa kanyang ama kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity.
Inilarawan niya ang ICC bilang isang pampulitikang organisasyon sa halip na isang patas at walang kinikilingang hukuman.
“We don’t expect a fair trial from the ICC,” ani Duterte.
Ayon pa sa Bise Presidente, posibleng nais ng ICC na patunayan ang kredibilidad nito sa gitna ng mga batikos at pressure mula sa mga makapangyarihang bansa gaya ng China, Russia at United States.
“I think the ICC wants to make a statement that they are in the right… there is no one else there that they would like to make a statement to so and that’s the case of Rodrigo Duterte,” dagdag niya.
Mula nang arestuhin noong Marso 2025, nakadetine ang 81-anyos na dating Pangulo sa pasilidad ng ICC sa The Hague, Netherlands.
Kinuwestiyon din ni Duterte ang rekisito na personal na dumalo ang kanyang ama sa mahahabang pagdinig ng korte.
Ayon sa kanya, maaaring mahirapan ang 81-anyos na dating Pangulo na umupo at makibahagi sa mga pagdinig na maaaring tumagal nang hanggang walong oras, na posibleng makaapekto sa kanyang konsentrasyon at kakayahang sundan ang proseso.
“I think it’s unfair to demand that of an 81-year-old man,” ani Duterte.
Sinabi niyang maaaring mahirapan ang kanyang ama na “focus and give his time and attention” sa loob ng mahabang oras.
Gayunman, wala umano silang reklamo sa pagtrato kay dating Pangulong Duterte sa pasilidad ng ICC. Muli lamang hiniling ng Bise Presidente na payagan itong lumahok sa mga pagdinig sa pamamagitan ng remote appearance.
Iniugnay rin ni Duterte ang kaso ng kanyang ama sa kanyang pampulitikang kinabukasan, at iginiit na naniniwala siyang magkaugnay ang paglilitis nito sa ICC at ang sarili niyang impeachment trial sa nalalapit na halalan sa 2028.
“I still believe that it’s about the 2028 elections, whether there will be elections or there will be no elections,” ani Duterte.
“It’s about the change of leadership, if there will ever be a change of leadership,” dagdag pa niya. RNT/MDS