BACOLOD CITY, Philippines – Natagpuang patay ang isang 12-anyos na batang babae sa isang madamong lugar sa Barangay Singcang-Airport, Bacolod City, nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 27, matapos ang tatlong araw na pagkawala nito.
Arestado naman ang lalaking suspek na kinilalang alyas Herbert.
Ayon sa Bacolod City Police Office (BCPO), rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 8 na pinamumunuan ni officer-in-charge Capt. Francis Depasucat bandang alas-6:50 ng gabi matapos makatanggap ng ulat tungkol sa isang bangkay sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, nawawala na ang biktima mula pa noong Miyerkules, Nobyembre 25. Huli umano itong nakitang nakasakay sa isang traysikel na minamaneho ng suspek.
Ayon sa pulisya, inamin umano ng suspek sa ilang kapitbahay na sinakal niya ang bata at iniwan ang katawan nito sa isang madamong bahagi ng Purok Saturn Venus.
Isinuko ng mga kapitbahay ang suspek sa mga rumespondeng pulis. Dinala naman nito ang mga awtoridad sa lugar kung saan niya iniwan ang bangkay ng biktima.
Pinroseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng BCPO, sa pangunguna ni Lt. Col. Ma. Amelita Mendoza, ang crime scene at narekober ang shorts at damit ng biktima.
Dinala ang mga labi ng bata sa Doña Funeral Homes para isailalim sa autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at kung may iba pa itong palatandaan ng pang-aabuso.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek habang nangangalap pa ng karagdagang ebidensiya ang mga imbestigador at inihahanda ang kaukulang mga kaso laban sa kanya. RNT/MDS