Home NATIONWIDE Mga senador, kinuwestiyon pondo ng DPWH; alegasyon ng P100M lagay sa expressway,...

Mga senador, kinuwestiyon pondo ng DPWH; alegasyon ng P100M lagay sa expressway, iimbestigahan

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng ilang senador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng pamamahagi ng pondo para sa mga multipurpose building at evacuation center, gayundin ang pagkaantala ng North Luzon East Expressway project, sa deliberasyon sa panukalang 2027 budget ng ahensiya.

Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, hindi pantay ang pamamahagi ng mga multipurpose building (MPB), dahil mas malaking bahagi ng mga proyekto ang napunta sa mayayamang local government unit (LGU) kumpara sa mahihirap na bayan.

Batay sa datos na inilahad ni Lacson, 53,865 sa kabuuang 79,816 MPB na itinayo mula 2012 hanggang 2026, o 67.5%, ang inilaan sa mga first-class LGU.

Samantala, 976 proyekto lamang o 1.2% ang napunta sa mga fifth-class municipality.

Sinabi ni Lacson na umabot sa humigit-kumulang P760 bilyon ang nagastos ng pamahalaan sa mga naturang gusali sa loob ng 14 na taon.

“Mukhang mali yung direction,” ani Lacson.

Ayon naman kay Sen. JV Ejercito, sponsor ng panukalang budget ng DPWH, hiniling ng Senate finance committee sa ahensiya na magbigay ng mas malinaw na paglalarawan sa mga MPB, kung ang mga ito ay barangay hall, daycare center, covered court o evacuation center.

Para sa 2027, nasa P40 bilyon o 6% ng panukalang P643-bilyong budget ng DPWH ang nakalaan sa mga multipurpose building. Sinabi ni Ejercito na pag-aaralan ng ahensiya ang pagbibigay-prayoridad sa mga fourth- at fifth-class municipality.

Iminungkahi naman ni Lacson na bawasan ang pondo para sa mga first- at second-class LGU na marami nang multipurpose building upang mailipat ito sa ibang prayoridad na imprastraktura.

“Baka pwedeng kaltasin na lang natin yung naka-allocate sa mga 1st class, 2nd class na napakaraming multipurpose buildings para ma-realign natin sa ibang priorities,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang posibleng dobleng pagpopondo sa ilang proyekto sa ilalim ng Local Government Support Fund-Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU) at regular infrastructure program ng DPWH.

Ayon sa senador, may 57 proyekto na nagkakahalaga ng P618 milyon na pinondohan sa ilalim ng LGSF mula 2022 hanggang 2026 na isinama rin sa regular na programa ng DPWH sa parehong taon. Dahil dito, umabot sa humigit-kumulang P1.08 bilyon ang pinagsamang pondo.

Ipinaliwanag ni Ejercito na may mga pagkakataong humihingi ng karagdagang pondo ang isang ahensiya sa iba pang tanggapan upang makumpleto ang isang proyekto.

“Nangyayari po iyan. Minsan po kasi, kapag kulang po ang pondo na nakuha sa isang agency, nanghihingi po sa isang agency para makumpleto o matapos ang kailangan na pondo para macomplete ang construction,” paliwanag niya.

Tinanggihan naman ni Lacson ang paliwanag dahil may ilang proyektong umano’y nadoble ang pondo sa parehong taon.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang panukalang P180 milyon na alokasyon kada rehiyon para sa mga evacuation center dahil hindi pa natutukoy ng komite ang mga partikular na proyektong napondohan mula sa mga nakaraang alokasyon.

Ayon kay Ejercito, umabot sa P90.674 bilyon ang inilaan mula 2016 hanggang 2026 para sa pagtatayo ng 503 evacuation center sa buong bansa.

Batay sa datos ng DPWH hanggang Oktubre 25, 2026, 463 na ang natapos, 29 ang kasalukuyang ginagawa at 11 ang nasa pre-construction phase.

Nilinaw din ni Ejercito na ang mga naunang evacuation center ay karaniwang mga multipurpose building na itinalaga bilang evacuation center. Samantala, ang mga itatayo sa ilalim ng Ligtas Pinoy Centers Act ay susunod sa partikular na disenyo at pamantayan.

Binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangan ng malinaw na paglalarawan sa bawat proyekto. Binanggit niya ang isang istrukturang ginagawa sa Barangay San Agustin, Castillejos, Zambales, na unang tinukoy lamang bilang multipurpose building ngunit napag-alamang pampublikong palengke.

“We’re not against the construction pero for transparency purpose, dapat talaga may description. Kung palengke, sabihing palengke. Kung sports complex, sabihing sports complex. Huwag lang yung multipurpose building,” ani Lacson.

Samantala, tinanong ni Sen. Robin Padilla ang DPWH tungkol sa mga plano nitong tugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa ilang bahagi ng Pampanga at Bulacan, kabilang ang San Simon, Macabebe at Calumpit.

Ayon kay Ejercito, sinusunod ng ahensiya ang master plan para sa Pampanga River Basin. Kabilang dito ang pagtatayo ng limang maliliit na dam o sabo dam sa kahabaan ng Sierra Madre upang pabagalin ang daloy ng tubig, gayundin ang mga detention basin sa mga urban area upang pansamantalang imbakin ang tubig-baha.

Inaasahang matatapos sa unang quarter ng 2027 ang feasibility studies para sa mga sabo dam. Target namang simulan ang procurement at civil works sa Abril, kung magkakaroon ng sapat na pondo.

Uminit ang palitan ng pahayag nang usisain ni Padilla ang pagkaantala ng panukalang North Luzon East Expressway, isang public-private partnership (PPP) project na planong mag-uugnay sa Commonwealth Avenue sa Quezon City at Bigte sa Norzagaray, Bulacan, bago palawigin hanggang Cabanatuan, Nueva Ecija.

Ayon kay Padilla, inihain na ang proyekto noon pang 2007 ngunit wala pa ring notice to proceed, sa kabila ng inaasahang pakinabang nito sa pagbabawas ng pagbaha at pagsisikip ng trapiko.

Sinabi ni Ejercito na may mga legal na usaping kailangang ayusin sa proyekto.

Iginiit naman ni Padilla na may isang taong umano’y humihingi ng pera upang maisulong ang pag-apruba nito.

“Madaling araw na, magdiretsahan na po tayo. May humihingi po kasi ng pera dito. Huwag na po tayong maglokohan mainit na ho ulo ko. Umaga na,” ani Padilla.

“P100 milyon ang hinihingi dito para lang isapasa. Talaga bang maglolokohan lang tayo dito? PPP ito, walang gastos ang gobyerno dito. Maawa kayo sa mga taong nababaha. Ano bang legal na problema?” dagdag niya.

Ayon kay Ejercito, humingi na ng paglilinaw ang isang opisyal ng DPWH sa PPP Center, na iniulat na hindi pa nagbibigay ng pag-apruba sa proyekto.

Bandang ala-1 ng madaling araw, naghain si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ng mosyon na iakyat sa Senate Blue Ribbon Committee ang usapin para imbestigahan.

“It’s a PPP project. No cost to government. Mukhang pinapahirapan po yung proponent at dahil doon ay hindi talaga matuloy-tuloy yung proyekto siguro pinapahirapan. I move, as chairman of Committee on Rules, that the subjet matter be investigated by the Blue Ribbon Committee,” ani Zubiri.

Inaprubahan ng Senado ang mosyon. Sinabi rin ni Sen. Sherwin Gatchalian na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang DPWH.

Sa pagdinig, binanggit din ni Lacson ang anim na magkakasunod na quarter na pagbaba ng public construction.

Batay sa datos na inilahad niya, bumaba ang government construction ng 31.5% sa unang quarter ng 2026, 33.4% sa ikalawang quarter at 15.1% sa ikatlong quarter. Mula Enero hanggang Setyembre, umabot sa 29% ang kabuuang pagbaba.

Kinilala ni Ejercito ang pagkaantala sa pagpapatupad ng mga proyekto, na bahagyang iniugnay sa mga isyu sa flood control projects at mas mahigpit na mga panuntunan sa paggastos ng pamahalaan.

Sinabi niyang pinabibilis ng DPWH ang pagpapalabas ng pondo. Umabot umano sa P60 bilyon ang inilabas noong Oktubre at karagdagang P50 bilyon hanggang alas-5 ng hapon nitong Biyernes.

Samantala, inirekomenda ng Senate finance committee na alisin sa panukalang budget ng DPWH ang 3,463 proyekto na nagkakahalaga ng P97.8 bilyon. Kabilang dito ang 3,132 proyekto na may halagang P87.2 bilyon na hindi nakasunod sa mga kinakailangang dokumento.

Gayunman, ibinalik ng komite ang P33.097 bilyong pondo para sa mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa, kabilang ang Bataan-Cavite Interlink Bridge at Laguna Lakeshore Road Network Project Phase 1.

Ayon kay Ejercito, layunin ng pagsusuri na matiyak na susuporta sa paglago ng ekonomiya at magpapabilis sa pagpapatupad ng mga prayoridad na proyektong pang-imprastraktura ang paggastos ng pamahalaan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here