Home METRO 11 crew ng cargo vessel na bahagyang lumubog sa Palawan, nasagip ng...

11 crew ng cargo vessel na bahagyang lumubog sa Palawan, nasagip ng PCG

4
0

PALAWAN, Philippines – Ligtas ang lahat ng 11 tripulante ng cargo vessel na ML BAHAGIA matapos itong masira ang katawan at bahagyang lumubog may 300 metro mula sa Santa Cruz, Cagayancillo, Palawan.

Nakatanggap ng ulat ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cagayancillo mula sa isang concerned citizen na pinapasok na ng tubig ang barko habang naglalayag malapit sa Dondonay Island.

Agad rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang PNP Cagayancillo, para sa search and rescue operations. Kinumpirma nilang ligtas ang lahat ng 11 tripulante, kabilang ang kapitan, at walang naiulat na nasawi.

Batay sa paunang impormasyon, bumangga ang barko sa isang batong nasa ilalim ng tubig malapit sa Dondonay Island. Dahil dito, nasira ang kanang bahagi ng katawan ng barko o starboard hull at pinasok ito ng tubig-dagat.

Patuloy ang pag-aalis ng natitirang kargamento sa tulong ng mga tripulante, PCG at mga residente upang mapadali ang pagsagip at pag-recover sa barko.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Coast Guard District Palawan sa may-ari ng barko at iba pang operator upang makakuha ng towing vessel.

Mahigpit ding binabantayan ng PCG ang barko upang maiwasan ang posibleng pagtagas ng langis at polusyon sa karagatan.

Magsasagawa rin ang PCG ng imbestigasyon at maritime safety inspection upang matukoy ang buong pangyayari at kung may nilabag na mga regulasyon sa kaligtasan sa paglalayag. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here