Home NATIONWIDE Sara Duterte, handang tanggapin anumang hatol ng impeachment court

Sara Duterte, handang tanggapin anumang hatol ng impeachment court

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na handa ang Office of the Vice President (OVP) na tanggapin ang anumang magiging hatol ng Senate impeachment court sa kanyang impeachment trial, kabilang ang posibleng pagkakatanggal niya sa puwesto.

Sa press conference nitong Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na pinaghandaan na ng OVP ang iba’t ibang posibleng mangyari at ang mga kahihinatnan ng hindi paborableng desisyon.

“We’re always preparing for the worst,” aniya, habang binigyang-diin ang posibleng epekto ng pagkakatanggal niya sa operasyon ng tanggapan at sa mga empleyado nito.

Ayon kay Duterte, kapag napawalang-sala siya, magpapatuloy lamang ang mga kasalukuyang programa at proyekto ng OVP.

“So next year, all the projects and the program will be implemented as before,” paliwanag niya.

Gayunman, kabilang umano sa pinakamalaking pangamba ng OVP ang posibleng pagkawala ng trabaho ng mga tauhan nito. Tinatayang 300 pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang maaaring maapektuhan sakaling matanggal siya sa puwesto.

“The verdict of guilty, it will come with a lot of consequences,” ani Duterte.

Ipinaliwanag niyang nakadepende sa kanyang panunungkulan ang trabaho ng ilang empleyado, kabilang ang mga nasa satellite office ng OVP.

“Our primary concern is loss of employment of at least those who are co-terminus to my position, around 300 families across the country, because the satellite offices are co-terminus to me as Vice President. That is our first worry — jobs of the OVP personnel who are co-terminus,” dagdag niya.

Isinasaalang-alang din ng OVP ang posibilidad na lumipat ng tanggapan. Ayon kay Duterte, pinili ang kasalukuyang opisina nito sa Mandaluyong City dahil nagsilbi itong campaign headquarters niya noong 2022 elections.

Ibinangon din ni Duterte ang posibilidad ng pagkadismaya ng publiko kung isang itinalagang opisyal ang papalit sa isang halal na bise presidente.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kapag nabakante ang posisyon ng bise presidente, kailangang magmungkahi ang pangulo ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado o House of Representatives. Kailangan itong kumpirmahin ng mayorya ng dalawang kapulungan ng Kongreso na magkahiwalay na boboto.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na wala pang napagpapasyahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung sino ang maaari niyang imungkahi bilang kapalit ni Duterte.

Sinabi rin ng bise presidente na kahit mapawalang-sala siya, may isang taon pa ang kanyang mga kalaban sa pulitika upang magsampa ng panibagong impeachment complaint o magsagawa ng iba pang hakbang laban sa kanya.

Sakaling mapatunayang guilty, sinabi ni Duterte na “we will all have to live with the consequences of this out-of-mind decision of President Marcos.”

Parehong nagpahayag ng posibilidad ang kampo ni Duterte at mga miyembro ng prosecution na maaaring matapos ang impeachment trial bago matapos ang 2026.

Nakatakda ang mga pagdinig ng Senate impeachment court sa Disyembre 1 hanggang 4. Maghahain ng mga testigo ang depensa kaugnay ng ikalawang artikulo ng impeachment na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.

Nagsimula ang impeachment proceedings dahil sa mga alegasyon ng korapsyon at maling paggamit ng pondo ng bayan laban kay Duterte. Ang Senado, bilang impeachment court, ang magpapasya kung sapat ang ebidensiya upang hatulan siyang guilty at tanggalin sa puwesto. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here