MANILA, Philippines – Dumadami ang mambabatas na tumututol sa planong singilin ng buwis ang kape na itinuturing na anti-poor dahil natatangi ito bilang “pangkaraniwang” meryenda ng mahihirap na Filipino, kabilang ang manggagawa, driver, estudyante.
Nitong Sabado, binatikos ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ang panukalang buwisan ang produktong kape, dahil lalo nitong pabibigatin ang buhay ng mga Pilipino na tanging kape at pandesal lamang ang laman sa almusal.
Ayon kay Lacson, halos nagkakaisa ang kanyang kapwa senador sa pananaw na maaaring makadagdag sa pasanin ng mahihirap ang panukala, na natalakay sa isang pagdinig ng komite sa Kamara.
“Halos nagkakaisa ang sentimyento ng senador diyan na parang napaka-anti-poor kasi ang mga kababayan natin, lalo sa malayong lugar sa bukid, talagang halos ang iba kahit pandesal na lang ang kinakain,” aniya sa panayam ng DZRH radio.
“So para pang-almusal, para buwisan na pa natin ang kape, parang anti-poor,” dagdag niya.
Noong Disyembre 2025, inihain ni Lacson ang Senate Bill No. 1556 na naglalayong magtatag ng pambansang programa para sa pagpapaunlad ng industriya ng kape upang matulungan ang mga lokal na magkakape sa gitna ng pagdami ng inaangkat na kape at limitadong suporta mula sa pamahalaan.
Iminumungkahi rin ng panukalang batas ang paglikha ng Philippine Coffee Board at ang pagbibigay ng komprehensibong suporta sa sektor ng kape. Ini-refer ito sa Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.
Nabanggit ang mungkahing buwisan ang mga produktong kape sa isang pagdinig ng komite sa Kamara hinggil sa panukalang dagdagan ang buwis sa mga inuming tinatawag na alcohol pops.
Ayon sa ulat, sinabi ni House Ways and Means Committee chairman Rep. Miro Quimbo na, “let’s not go there.” Ernie Reyes