MANILA, Philippines – Hinimok ni Labor Secretary Francis N. Tolentino ang mga negosyante na tiyaking nakatatanggap ng tamang sahod, benepisyo at proteksiyon sa kaligtasan ang lahat ng manggagawa, kabilang ang mga kinukuha sa pamamagitan ng contractors.
Sa kanyang keynote address sa 5th San Miguel Group General Labor Standards and Safety Milestone Recognition noong Nobyembre 27, 2026, sa punong tanggapan ng San Miguel Corporation (SMC), binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng sapat na safety training at kagamitan, gayundin ng tamang oras ng pahinga para sa mga empleyado.
“Our intended outcome is stronger protection of labor rights. For the worker, that means receiving what is due and seeing a reported problem resolved. For a responsible employer, it means competing on fair terms.”
Ayon kay Tolentino, dapat matiyak na patas ang sahod at ligtas ang kondisyon sa trabaho ng mga manggagawa. Suportado umano ito ng pinalakas na Labor Inspection Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga strategic compliance plan ng ASEAN.
Binati rin ng kalihim ang mga pinarangalan sa seremonya at kinilala ang mga manggagawang nagsusumbong ng mga panganib sa lugar ng trabaho, gayundin ang mga safety team at supervisor na nagpapatupad ng mga hakbang upang maitama ang mga ito.
Binigyang-halaga rin niya ang mga nakamit na milestone na walang naitalang aksidenteng nagresulta sa pagkawala ng oras sa trabaho at hinikayat ang patuloy na pag-uulat ng mga panganib upang maiwasan ang mga sakuna.
“Higit sa lahat, patuloy nating pakinggan ang mga manggagawa. Sila ang unang nakararanas ng mga problemang kailangan nating tugunan.”
Tiniyak ni Tolentino na patuloy na makikipagtulungan ang DOLE sa mga employer upang mapangalagaan ang karapatan ng lahat ng manggagawa, kabilang ang mga contractual, alinsunod sa layunin ng administrasyong Marcos na maisulong ang disenteng trabaho sa ilalim ng Bagong Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden