MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes ang unti-unting pag-phase out sa Medical Assistance Program (MAP, dating Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP) upang matuldukan ang patronate politics.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na gagawin ito habang lubusang naipatutupad ang Universal Health Care (UHC) system, sa pamamagitan ng isang institusyonalisadong transisyon gamit ang mga assistance center ng Senado at Kamara de Representantes.
Aniya, ang MAP, ay patronage-prone, na nakatakdang tumanggap ng P16.2 bilyon sa bersyon ng Senado ng panukalang 2027 national budget, kumpara sa P1 bilyon lamang para sa UHC fund para sa zero balance billing sa mga ospital ng lokal na pamahalaan.
Walang inilaan para rito sa National Expenditure Program (NEP) at bersyon ng Kamara ng panukalang budget
“Bakit di natin institutional ang approach? Ang P6 billion ilagay sa Public Assistance Center para kung may lalapit sa senador diyan ituturo, may vetting, to be manned by DOH personnel. Sila magtulong mag-vet kung deserving ang tutulungan,” aniya sa kanyang interpellation sa panukalang 2027 budget ng Department of Health (DOH).
“Ang P10.2B sa PAC din or whatever name they want to call it, ng HOR para di biglang mawala ang MAP,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Lacson na bagama’t itinatakda ng UHC Act, isang special law, ang iisang integrated health care system, dalawang magkahiwalay na mekanismo naman ang pinopondohan ng panukalang budget, kabilang ang MAP.
Sinabi niyang kailangang pondohan nang sapat ang Universal Health Care program dahil miyembro ng PhilHealth ang bawat Pilipino, nagbabayad man ng kontribusyon o hindi.
Ngunit aniya, hindi ito maisasakatuparan kung patuloy na malaki ang pondong inilalaan sa MAP.
Sa kabuuang P274.04 bilyong budget ng DOH sa bersyon ng Senado ng panukalang batas (P264.03 bilyon sa NEP at P276.26 bilyon sa bersyon ng Kamara), nakatakdang tumanggap ang PhilHealth subsidy ng P94.25 bilyon, mula sa P74.45 bilyon sa NEP at bersyon ng Kamara. Samantala, P15.58 bilyon ang nakalaan para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP), kumpara sa P14.54 bilyon sa NEP at P10.09 bilyon sa bersyon ng Kamara.
Naglaan din ang Senado ng P1 bilyon para sa UHC fund para sa zero balance billing sa mga ospital ng LGU, samantalang walang pondong inilaan para rito sa NEP at bersyon ng Kamara.
Sa kabilang banda, P16.2 bilyon na lamang ang nakalaan para sa MAP/MAIFIP sa bersyon ng Senado, mula sa P24.24 bilyon sa NEP at P48.2 bilyon sa bersyon ng Kamara.
“That should be a good start. And eventually tanggalin na natin. Wala naman dati ito. Nagkaroon ng ayuda during pandemic, matagal nang walang pandemic. Naging institutional ang ating pagtrato mukhang laging pandemic tayo,” ani Lacson hinggil sa kanyang mungkahing unti-unting pag-phase out sa MAP.
Iminungkahi rin ni Lacson na maglagay ng special provision sa panukalang budget upang maisakatuparan ang naturang sistema, dahil hindi maiiwasang direktang lumapit sa mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng Kongreso, lalo na sa Kamara, ang kanilang mga nasasakupan upang humingi ng tulong.
Sinabi naman ni Sen. Jose Victor “JV” Ejercito, sponsor ng budget ng DOH at ng UHC Act, na pag-aaralan ng DOH ang panukala ni Lacson. Ernie Reyes