MANILA, Philippines – Para sa kapakanan ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa, hinimok ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsilibing “referee” sa pagitan ng Senado at Kamara hinggil sa panukalang 2027 budget upang maiwasan ang “bloodbath” o madugong pagtalakay ng dalawang kapulungan sa kani-kanilang bersyon ng panukala sa bicameral conference committee.
Diin ni Lacson, kailangang-kailangan ng ekonomiya ng tulong upang makabangon matapos maitala ang mapanganib na 2.1 porsiyentong paglago ng gross domestic product (GDP) sa ikatlong quarter at 7.8 porsiyentong inflation rate na ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay posibleng lalo pang tumaas sa 8.2 porsiyento ngayong Nobyembre.
“Ako’y nananawagan sa kanya, makialam kayo dito. Langit at lupa ang diprensya, ang agwat ng House at Senate version. Marami siyang kaalyado sa Senate and House, siya ang pwede maging referee para mapatino ang 2027 budget,” ani Lacson sa panayam sa DZRH radio.
Sinabi ni Lacson na kailangan ng panukalang budget ng malaking pagbabago o pagsasaayos dahil sa mga kuwestiyonableng alokasyon at maling prayoridad sa paggasta. Nauna nang tinukoy ni Lacson at ng kanyang mga tauhan ang ilang kuwestiyonableng probisyon sa bersyon ng panukalang budget ng Kamara.
Binanggit din niya na may ilang kongresista na nais magtanggal ng probisyong nagbabawal sa pakikialam ng mga pulitiko sa pamamahagi ng tulong pinansyal ng gobyerno sa ilalim ng panukalang 2027 budget.
Sa kanyang interpelasyon sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kinuwestiyon niya kung hawak nga ba ng ahensiya ang buong kapangyarihan sa pagpapasya kung sino ang makatatanggap ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), at binanggit na “pinaglalaban ng congressman ang AICS.”
Sinabi ni Lacson na dapat magkaroon ng balanse ang 2027 budget sa pagitan ng 2025 budget, na naglaan ng pondo para sa ilang maanomalyang proyektong pang-imprastraktura, at ng 2026 budget, na nagbawas naman ng pondo para sa mga naturang proyekto hanggang sa maapektuhan ang mga programang pang-imprastraktura ng gobyerno.
Nagbabala siya na kung papayagang manaig ang bersyon ng Kamara na may mga kuwestiyonableng alokasyon, maaaring mabuo ang impresyong nawalan na ng kontrol ang Pangulo sa budget. Sa halip, sinabi niyang dapat ilipat ang mga pondong ito sa mga prayoridad na programa, aktibidad at proyekto na makapagpapasigla sa ekonomiya.
“Hindi dapat ibaba kundi realign sa priorities para makabangon sa economic difficulties. Kailangan ng economic activities para sumigla ang economy,” aniya.
Muling iginiit ni Lacson ang kanyang panawagan na magpulong ang mga economic manager ng gobyerno, mga miyembro ng Senate finance committee at House appropriations committee bago magsimula ang bicameral proceedings.
“Kaya malaki ang dapat na role ng Pangulo. Pagkasunduin muna at this point, hindi after, ang House and Senate at economic managers. Magusap-usap kami,” aniya.
FALGU ‘Pork’ Bilang Mapagkukunan ng Pondo para sa mga Prayoridad na Proyekto
Samantala, sinabi ni Lacson na pinag-aaralan niyang gamitin ang Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) bilang posibleng mapagkunan ng pondo para sa mga prayoridad na proyekto sa 2027 budget.
Sinabi niya na ang FALGU, isang lump-sum appropriation na dati niyang tinawag na “presidential pork” barrel, ay maaaring ilipat sa mas mahahalagang pangangailangan sa halip na magsilbing posibleng dobleng pagkukunan ng pondo para sa mga proyekto tulad ng multipurpose buildings (MPBs).
“Ang FALGU pwedeng ilipat sa ibang priorities… Pagdating sa period of individual amendments (i-realign sa) totoong pangangailangan at kaltasan ang di masyadong kailangan,” aniya.
Itinuro niya na may mga adbokasiya ang mga senador para sa 2027 budget, kabilang ang mga programa sa pagpapakain sa mga mag-aaral, ngunit kailangan pa nilang tukuyin kung saan kukuha ng pondo para rito.
Sa kanyang interpelasyon sa panukalang 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong madaling-araw ng Sabado, tinukoy ni Lacson ang hindi bababa sa 57 proyekto na lumilitaw na nabigyan ng pondo kapwa sa regular na programa ng DPWH at sa Local Government Support Fund (LGSF) sa pamamagitan ng FALGU sa iisang taon.
May pinagsamang alokasyong P1.08 bilyon ang mga proyektong ito sa ilalim ng regular na programa ng DPWH at P618 milyon naman sa ilalim ng FALGU.
Kabilang sa mga halimbawang inilahad niya ang mga MPB sa Sta. Maria, Maddela, Quirino, na nakatanggap ng P200 milyon mula sa LGSF at P40 milyon mula sa regular na programa ng DPWH noong 2025; sa Jordan, Guimaras, na nakatanggap ng P15 milyon mula sa LGSF at P5.25 milyon mula sa DPWH; at sa Barangay Barile, Calumpit, Bulacan, na nakatanggap ng P15 milyon mula sa LGSF at P8 milyon mula sa DPWH.
Binanggit din niya ang isang MPB sa Barangay 1, San Lorenzo, Laoag City, na nakatanggap ng P10 milyon mula sa LGSF at P5 milyon mula sa DPWH, gayundin ang isang sports complex sa Barangay Bacuranan, Passi City, Iloilo, na nakatanggap ng P10 milyon mula sa LGSF at P7 milyon mula sa DPWH noong 2023.
Nang sabihin ni Sen. Jose Victor “JV” Ejercito, na nag-sponsor ng budget ng DPWH, na maaaring inilaan ang pondo para sa pagpapatuloy o pagkumpleto ng mga proyekto, sinabi ni Lacson na dapat sa magkakaibang taon ginagawa ang paghiling ng karagdagang pondo para sa “continuation or completion” ng mga proyekto.
Iminungkahi rin ni Lacson na ilipat sa pagpopondo ng foreign-assisted projects (FAPs) ang P180 milyong lump-sum allocation para sa mga evacuation center sa lahat ng rehiyon ng bansa sa 2027. Ernie Reyes