Home HOME BANNER STORY Halos 8,000 pulis, ipakakalat sa Metro Manila para sa Bonifacio Day

Halos 8,000 pulis, ipakakalat sa Metro Manila para sa Bonifacio Day

1
0

MANILA, Philippines – Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 7,990 pulis sa Metro Manila para sa mga aktibidad kaugnay ng ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio sa Lunes, Nobyembre 30.

Kabilang sa paghahanda ng pulisya ang posibleng mga protesta at demonstrasyong may kaugnayan sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo sa panayam sa DZMM nitong Sabado, sasailalim sa full alert status ang NCRPO simula alas-12:01 ng madaling araw sa Nobyembre 30.

Kabilang sa 7,990 pulis na ipakakalat ang mga karagdagang tauhan mula sa national police headquarters, Police Regional Office 3 at Police Regional Office 4A.

Tututukan ng mga pulis ang mga freedom park at iba pang lugar na inaasahang pagdarausan ng mga paggunita at demonstrasyon.

Kabilang dito ang Liwasang Bonifacio sa Maynila, Bonifacio Monument Circle sa Caloocan, Pinaglabanan Shrine sa San Juan at iba pang lugar na ipinangalan sa bayaning si Andres Bonifacio.

Babantayan din ang mga pangunahing kalsada at karatig-lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maayos na daloy ng trapiko, lalo’t kasabay ng aktibidad ang mahabang weekend.

Tiniyak ni Asilo na susundin ng pulisya ang standard operational procedures, igagalang ang karapatang pantao at paiiralin ang maximum tolerance sa mga demonstrasyon.

“Ginagalang po namin ang kanilang karapatan, lagi naman po ‘yan at siyempre ipa-implement pa rin ang ating maximum tolerance,” ani Asilo.

Hinimok din niya ang mga demonstrador na sumunod sa batas at makipag-ugnayan sa mga ground commander upang maiwasan ang anumang komprontasyon.

“Ang hiling natin ay makipag-usap nang maayos para po ma-plantiya natin kung ano ang magandang gawin para mapagbigyan sila at hindi sila makalabag ng kahit anumang batas,” dagdag niya.

Ayon kay Asilo, pinapayagan naman ang mga organisador na gumamit ng mga kalsada para sa kanilang martsa basta’t makipag-ugnayan muna sa mga awtoridad.

Isinama rin ng NCRPO sa kanilang seguridad ang posibilidad ng mga protestang may kaugnayan sa mga pagdinig sa ICC laban kay Duterte.

Gayunman, sinabi ni Asilo na wala pa silang namomonitor na rally kaugnay nito hanggang nitong Sabado ng umaga. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here