Home NATIONWIDE P4.5B kulang sa pondo ng 70K tertiary scholar students, pupunan ng Senado...

P4.5B kulang sa pondo ng 70K tertiary scholar students, pupunan ng Senado – EDCOM2

1
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng Edcuation Commission II na nangako ang ilang senador na hahanapan ng pondo ang kakulangan ng P4.5 bilyon sa continuing scholarship ng mahigit 70,000 estudyante ng Commission on Higher Education (CHED) upang hindi matigil ang pag-aral ng maraming Filipino.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Joel Villanueva, co-chairperson ng EDCOM2 na nagbibigay lamang ito ng masamang epekto sa perspektibo ng isang kabataan na nais magtagumpay sa buhay,

“Kung ikaw ay mabigyan ng pagkakataon at oportunidad na makapag-aral, mabigyan ng pag-asa para maabot mo ’yung pangarap, at pagkatapos sasabihin sa iyo, matapos ang isang taon, na titigil ka muna dahil may mas importante kaming nais pondohan, masakit po ’yun, ayon kay Villanueva, sa funding gap na kinakaharap ng mahigit 70,000 continuing tertiary education scholars.

Sa plenary deliberations sa panukalang FY 2027 budget ng Commission on Higher Education (CHED) nitong Nobyembre 27, 2026, nagpahayag ng pangamba ang mga senador sa inaasahang ₱4.5-bilyong kakulangan sa Tertiary Education Subsidy (TES), na maaaring makaapekto sa 70,471 continuing scholars at limitahan ang pagtanggap ng mga bagong grantees sa ilalim ng programang layong suportahan ang pinakamahihirap upang makapagkolehiyo.

Binanggit ni Sen. Pia Cayetano, na dati nang nag-sponsor ng higher education budget, ang patuloy na underfunding ng TES at ang mga kahihinatnan nito.

Aniya na paulit-ulit na binawasan ang mga grant amounts sa paglipas ng mga taon — mula ₱60,000 kada school year para sa mga estudyante sa private institutions at ₱40,000 para sa mga nasa public institutions, pababa sa uniform na ₱20,000, bago i-adjust sa kasalukuyang rates na ₱27,000 at ₱20,000, ayon sa pagkakasunod.

“Lagi na lang tayong naghahabol doon sa funding ng TES,” ani Cayetano, saka sinabing ang kasalukuyang kakulangan ay nakakaapekto sa 70,471 estudyante.

“So what happens if you’re in third year, you were receiving ₱60,000, and now ₱20,000? It probably is the reason for the high dropout rate,” sabi ni Cayetano. “Normally sa third year at fourth year, may mga laboratories, diyan nagmamahal ‘yan. So how do we survive with this?”

Nagkaroon ng funding gap habang patuloy na lumalampas ang demand para sa TES sa supply. Ipinapakita ng datos ng EDCOM 2 na sa Academic Year (AY) 2025–2026, 1.72 milyong estudyante ang nag-apply para sa TES, ngunit 241,574 lamang, o 14%, ang tinanggap bilang mga bagong grantees.

Kapansin-pansin, ayon sa EDCOM 2, na kakapasa lamang noong Setyembre 2026 ng Republic Act No. 12325 upang palakasin ang targeting at suporta na sakop ng Tertiary Education Subsidy sa ilalim ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) na unang ipinasa noong 2018.

Sa ilalim ng bagong panukala, ang mga estudyante mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay binibigyang-prayoridad para sa TES at tatanggap ng mga subsidies na naaayon sa tuition at allowance requirements na magbibigay-daan sa kanila upang matagumpay na makatapos ng kolehiyo.

Binigyang-diin ni EDCOM 2 Co-Chairperson Sen. Bam Aquino, principal author ng UAQTEA, at ng mga sumunod na amyenda nito, na ang mga estudyanteng tumatanggap ng tulong ay dapat makaasa rito hanggang sa matapos nila ang kanilang degree.

Binigyang-diin ni Villanueva, sponsor ng CHED budget, na ang financial assistance ay dapat isaalang-alang ang mga gastos sa pagpasok sa kolehiyo bukod sa matrikula at iba pang school fees.

“Hindi lang po matrikula ang sinusuportahan natin. Papasok nga ang estudyante, libre ang matrikula, pero wala naman siyang makain, o kaya maglalakad ng dalawa hanggang tatlong oras. Wala ring mangyayari sa pagbibigay ng scholarship sa matrikula, dahil at the end of the day, magda-dropout ang estudyante,” aniya.

Binanggit ni Aquino ang tumataas na presyo ng pagkain, transportasyon, at living costs bilang mga nagpapalalang hadlang para sa mga low-income students. “Ngayon pa lang, may mga nagda-dropout na dahil sa mahal ng bilihin, ng pagkain, pamasahe. Ayaw na po natin dagdagan ‘yan.”

Ibinunyag niya na kailangan ang aktibong pagkilos ng senador upang matukoy ang humigit-kumulang ₱4.5 bilyon na kailangan at mapunan ang kakulangan. “Maghahanap po tayo ng pondo para masiguro na walang kabataang titigilan ang kanilang subsidiya. We will find a way.”

Nangako rin si Villanueva sa naturang bagay: “Nag-commit na tayo dito sa Senado na hahanapan natin ng pondo ito, at sisiguraduhin po natin na hindi matitigil sa pag-aaral at hindi matitigil itong scholarship program na ating ipinaglaban noong una pa man.”

Binanggit din niya na ang Presidential Merit Scholarship Program, isang LEDAC priority measure na ipinasa na ng Kongreso, ay wala pang natatanggap na anumang pondo.

Sinabi ni EDCOM 2 Commissioner at Senate President Sherwin Gatchalian na magsusumite siya ng mga partikular na panukala upang tugunan ang gap, na sumasaklaw sa parehong continuing scholars at bagong applicants.

“Rest assured, hindi tayo papayag na may mga ma-displace o ma-disenfranchise na mga estudyante. Meron tayong mga list of solutions para ‘yung almost 240,000 from continuing and new scholars ay maipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral,” ani Gatchalian.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here