Home NATIONWIDE Bong Go: Dagdag-sahod sa mga guro, kawani ng gobyerno, kulang sa taas-presyo

Bong Go: Dagdag-sahod sa mga guro, kawani ng gobyerno, kulang sa taas-presyo

1
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba si Senator Christopher “Bong” Go na hindi sapat ang dagdag-sahod para sa mga guro sa pampublikong paaralan at iba pang kawani ng gobyerno upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pamasahe at produktong petrolyo.

Sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd) nitong Martes, Nobyembre 24, iginiit ni Go na dapat mabigyan ng makatarungang sahod at sapat na benepisyo ang mga guro bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo.

“Dahil sa sobrang taas po ng bilihin ngayon, baka kulang pa ’yung increase na matatanggap ng ating mga teachers. Kulang pa ’yung pamasahe nila papunta po sa mga eskwelahan,” ani Go.

Ibinahagi naman ni budget sponsor Senator Bam Aquino na tataas ang buwanang sahod ng Teacher I mula P31,705 ngayong 2026 tungong P33,387 sa 2027, bukod pa sa mga umiiral na allowance, bonus at iba pang benepisyo.

Bilang may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11466 o Salary Standardization Law of 2019, hinimok ni Go ang kapwa mambabatas na magtulungan upang mapabuti ang kompensasyon ng lahat ng kawani ng pamahalaan.

“Sana po magtulungan tayo dito para sa ating mga teachers—hindi lang sa mga teachers, including … lahat ng government workers dahil sobrang bilis ng pagtaas ng presyo … ng bilihin ngayon,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Go ang mga reklamo ng mga retiradong guro sa Bukidnon hinggil sa pagkaantala at kakulangan ng kanilang retirement benefits.

Nangako naman si Aquino na ipasusuri sa DepEd ang mga partikular na reklamong inilahad ni Go. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here