Home METRO Provincial Command Center, weather forecasting system inilunsad sa Laguna

Provincial Command Center, weather forecasting system inilunsad sa Laguna

1
0

LAGUNA, Philippines – Pormal nang inilunsad ni Laguna Governor Sol Aragones, katuwang ang Laguna Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang Phase 1 ng Laguna Provincial Command Center at Provincial Weather Forecasting System noong Nobyembre 27, 2026.

Layunin ng proyekto na palakasin ang kahandaan ng lalawigan sa mga sakuna at mapahusay ang pagsubaybay sa lagay ng panahon.

Sa unang yugto, naglagay ng 20 CCTV camera sa iba’t ibang lugar sa lalawigan, kung saan 12 ang kasalukuyang gumagana at maaari nang gamitin para sa live monitoring. Matatagpuan ang mga ito sa Liliw, Mabitac, Magdalena, Majayjay, Paete, Pagsanjan, Pakil, Pangil, Santa Maria, Pila, Rizal at Siniloan.

Kabilang din sa mga pasilidad ang tig-isang CCTV camera para sa bawat munisipalidad at lungsod, isang Eagle Eye Camera sa Santa Cruz at sistemang gumagamit ng Artificial Intelligence (AI) para sa monitoring. Nilagyan din ang command center ng LED wall, monitoring screens at nakalaang monitor para sa dispatch team upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency.

Pinuri ni Aragones si PDRRMO Chief Aldwin Cejo at ang buong pangkat sa pagsasakatuparan ng proyekto.

“I commend the efforts of PDRRMO Chief Aldwin Cejo and the entire teams for bringing this vital facility to life this command center represents our commitment to the safety of every Lagunense, where foresight, preparedness, and swift action come together to protect our communities”.

Inaasahang matatapos sa loob ng anim na buwan ang Phase 2 ng proyekto. Kabilang sa mga plano ang pagpapahusay sa monitoring centers at emergency response system, gayundin ang pagdaragdag ng facial recognition at license plate recognition features sa mga CCTV camera.

Ilulunsad din ang Laguna Weather Forecast Application.

May sarili na ring meteorologist ang lalawigan na si John Macaulay “Kuya Macu” De Guzman Dela Cruz, na tutulong sa pagpapaliwanag ng lokal na weather forecasts at pagbibigay ng mga update at abiso sa publiko.

Gumagamit ang Laguna Weather Forecasting System ng satellite imagery mula sa Himawari-9 Satellite at sinusuportahan ng anim na solar-powered Automated Weather Stations (AWS) na matatagpuan sa Biñan City at sa mga bayan ng Bay, Paete, Santa Cruz, Majayjay at Santa Maria.

Sa pamamagitan ng nakalaang website, maaaring makita ng mga residente ang lagay ng panahon, mga update at pagsusuri sa posibleng panganib. Magbibigay rin ito ng emergency notifications at babala hinggil sa pag-ulan, pagkulog, pagkidlat, heat index at iba pang weather-related hazards. Patuloy ding gagamitin ang Facebook page na Laguna Weather para sa mahahalagang anunsiyo.

Bahagi rin ng sistema ang Laguna Citizen App at isang centralized monitoring platform, kabilang ang water level monitoring system para matukoy ang pagtaas ng tubig na maaaring magdulot ng pagbaha.

Maglalagay din ng AI-assisted CCTV cameras na may facial recognition, license plate recognition at thermal imaging capabilities, gayundin ng mga solar-powered CCTV camera sa piling liblib na lugar upang mapalawak ang saklaw ng pagbabantay.

Dumalo rin sa paglulunsad at nagpahayag ng suporta ang Laguna Provincial Police Director PCol Sandro Jay Tafalla, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection. Ellen Apostol

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here