MANILA, Philippines — Nagbanta ng pagsasampa ng kasong kriminal ang kampo ng dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co laban sa ilang opisyal ng pulisya kaugnay ng umano’y iligal at abusadong pagkumpiska ng mga sasakyang iniuugnay sa kanya at sa Sunwest Construction and Development Corp.
Ayon kay Atty. Ruy Rondain, abogado ni Co, may mga sasakyang kinuha ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kahit walang search warrant.
“They took the vehicles forcibly without a warrant. Kinumpiska pati mga susi at hindi pinayagang mailabas sa garahe ang mga sasakyan. Para na rin nilang kinumpiska ang mga unit dahil hindi na magamit ng mga may-ari,” ani Rondain.
Idinagdag pa niya na umano’y pinigilan din ng pulisya ang mga drayber nang halos buong maghapon, na aniya’y isa ring paglabag sa karapatan ng mga ito.
Bukod dito, kinuwestiyon din ng abogado ang hiwalay na seizure order ng Bureau of Customs (BOC) sa siyam na sasakyan, iginiit na hindi lahat ng ito ay pag-aari ni Co at ang ilan ay nakapangalan sa kanyang asawa at sa kumpanya.
Sa panig ng PNP-HPG, nilinaw ni Lt. Nadame Malang na anim lamang na sasakyan ang kanilang sinamsam batay sa “alarm” na inilagay ng Land Transportation Office (LTO), at iginiit na ito ay lehitimong law enforcement operation.
“Kung may nakikita silang mali, handa naming sagutin iyon sa korte,” ani Malang.
Samantala, sinabi naman ng BOC na ang siyam na sasakyan ay isinailalim sa seizure dahil sa hinalang iligal na importasyon at kawalan ng sapat na dokumento, kabilang ang umano’y bulletproofing ng mga unit na hindi idineklara sa pagpasok ng mga ito sa bansa. RNT/JGC