Hindi na napiga ng mga Senador si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang humarap sa pagpapatuloy
ng pagdinig ng Senado.Ginigisa ng mga senador si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Dong Calugay sa posibilidad na relasyon o ugnayan nila ni Guo. CESAR MORALES
MANILA, Philippines- Maaari pa ring tumakbo si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, nahaharap sa qualified human trafficking case, para sa reelection hangga’t hindi ito tinututulan ng korte, ayon sa kanyang abogadong si Stephen David.
Sa isang panayam nitong Sabado, sinabi ni David na hindi pa nahahatulang guilty ang kanyang kliyente at hindi pa napatutunayan ang mga alegasyong hindi siya isang Pilipino.
“Mahirap naman na i-disqualify siya dahil lang sa kanyang technicality. Paano kung siya talaga ang gusto ng tao ‘di ba? Bigyan naman natin ng pagkakataon yung mga tao na ipakita yung suporta at pagmamahal sa kanya,” giit niya.
Nahaharap si Guo, sinasabi ng National Bureau of Investigation na pareho ang fingerprint sa Chinese national na si Guo Hua Ping, sa mga alegasyong sangkot siya sa mga ilegal na aktibidad sa Philippine Offshore Gaming Operator sa bayan ng Bamban.
Nahaharap din siya sa mga alegasyong hindi siya Pilipino at maaaring asset ng China’s Ministry of State Security o ng isang criminal syndicate, mga akusasyong mariin niyang itinanggi.
“Sa ngayon, wala namang husgado na nagsasabing illegal siya o na hindi siya Pilipino,” wika ni David.
“Ano ba naman ang magiging ebidensya doon na hindi siya Pilipino? Sinasabi lang na fake yung birth certificate, patunayan mo ‘yun,” aniya pa.
Matatandaang ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na sibakin sa pwesto si Guo dahil sa grave misconduct noong Agosto, subalit sinabi ni David na maaari pang iapela ang desisyon. RNT/SA