Home TOP STORIES Abstain vote sa Senate leadership, binatikos

Abstain vote sa Senate leadership, binatikos

93
0

UMANI ng batikos mula sa ilang political observers at netizens ang naging abstain vote nina Senador Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito sa naging pagpapalit ng liderato sa Senado noong Lunes.

Lumutang ang mga espekulasyon matapos kumalat ang mga ulat na posibleng magkaroon ng panibagong realignment sa Senado, kabilang ang usapin na maaaring magkaroon ng pagbabago sa liderato sa hinaharap.

Gayunman, wala pang opisyal na pahayag o kumpirmasyon hinggil dito mula sa kampo nina Zubiri at Ejercito.

Sa naging botohan para sa Senate presidency, pinalitan ni Alan Peter Cayetano si dating Senate President Vicente Sotto III sa botong 13-9-2. Ang dalawang abstain votes ay nagmula kina Zubiri at Ejercito, na iniuugnay ng ilang observers sa tinatawag na “third bloc.”

Dahil dito, nagkaroon ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko at social media users, kung saan kinuwestiyon ng ilan ang naging pasya ng dalawang senador na hindi pumabor sa alinmang panig sa gitna ng mahalagang pagbabago sa liderato ng Senado.

Matatandaang si Zubiri ay nagsilbing Senate Majority Leader sa ilalim ng liderato ni Sotto, habang si Ejercito naman ay kabilang din sa dating majority bloc.

Noong Mayo 2024, napalitan din si Zubiri bilang Senate President ni Francis Escudero.

Sa kanyang naging pahayag noon sa plenaryo, sinabi ni Zubiri na ipinaglaban niya ang “independence ng Senado” laban sa umano’y impluwensiya mula sa mga puwersa sa labas ng institusyon.

Sa panayam ng programang “Ted Failon and DJ Chacha” sa 105.9 True FM, sinabi ni political scientist Cleve Arguelles na nakadidismaya umano para sa ilan ang naging hakbang ng dalawang senador.

Ayon kay Arguelles, ang pag-iwas ng ilang mambabatas na pumili ng panig sa gitna ng mahahalagang institutional changes ay maaaring magdulot ng mga tanong hinggil sa accountability at political positioning ng mga halal na opisyal.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Ruphil Fernandez Bañoc sa programang “Straight to the Point” ng DYHP RMN Cebu na mahalagang bahagi ng tungkulin ng mga senador ang malinaw na pagpapasya sa usapin ng liderato ng Senado.

“Hindi puwedeng nagpapakaneutral lang. Ang pagboto sa pinuno ng Senado ay isang pangunahing tungkulin na nangangailangan ng paninindigan at hayagang tindig sa harap ng taumbayan,” ani Bañoc.

Sa social media platforms gaya ng X at Reddit, marami ring netizens ang nagpahayag ng kani-kanilang opinyon hinggil sa abstain votes ng dalawang senador. May ilang users na nagsabing nakita nila ito bilang isang “safe play,” habang may iba namang naniniwalang bahagi ito ng mas malawak na political strategy para sa mga susunod na taon.

Gayunman, wala pang direktang tugon sina Zubiri at Ejercito sa mga alegasyon at interpretasyon kaugnay ng kanilang naging boto sa Senate leadership contest. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here