DEKADA NA NG MALASAKIT! Ngayong 2026, ipinagdiriwang ng Aid to the Church in Need (ACN) Philippines ang kanilang ika-10 anibersaryo sa bansa. Sa loob ng sampung taon, naging tahimik ngunit matatag na katuwang ang ACN sa pagpapatatag ng Simbahan sa mga lugar kung saan mas matindi ang pagsubok sa pananampalataya.
Sa ilalim ng bagong slogan na “Share the Light, Keep it Lit,” muling binubuhay ng grupo ang kanilang pangako: Ang tumayo kasama ang mga pinag-uusig na Kristiyano sa pamamagitan ng dasal, impormasyon, at konkretong aksyon.
Ang ACN ay isang pontifical Catholic charity na itinatag noong 1947 matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa Pilipinas, pormal silang nagbukas noong 2016 sa gabay ni Archbishop Socrates Villegas. Bagama’t kilala ang Pinas bilang balwarte ng Kristiyanismo, aminado ang ACN na marami pa ring liblib at mahihirap na parokya sa ating bansa ang nangangailangan ng saklolo, lalo na sa mga lugar na may gulo at matinding kahirapan.
Sa nakalipas na sampung taon, hindi mabilang na mga proyekto ang naisakatuparan ng ACN Philippines. Kabilang dito ang pagsuporta sa pag-aaral ng mga seminarista, pagtulong sa mga madre at katekista na nagsisilbi sa mga delikadong lugar, at ang pagpapatayo o pagsasaayos ng mga kapilya sa mga rural na komunidad na nagsisilbing sentro ng buhay ng mga tao.
Hindi rin makakalimutan ang kanilang mga sikat na kampanya tulad ng “One Million Children Praying the Rosary” tuwing Oktubre at ang “Red Wednesday” tuwing Nobyembre, kung saan iniilawan ng pula ang mga simbahan bilang simbolo ng dugo ng mga martir.
Ang Pilipinas pa nga ang tanging bansa na opisyal na isinama ang “Red Wednesday” sa local church calendar!
Bilang bahagi ng kanilang ika-10 taon, ilulunsad ang Padayon Prelatura sa Marawi (PPSM) upang tulungang makabangon ang Simbahan sa Marawi at makapagtayo ng Pro-Cathedral sa Nobyembre 2026. Bukod dito, itinatag din ang Iskolar ng Simbahang Katoliko (InSKO) para sa mga pari at katekistang nais kumuha ng licentiate degrees upang mapatibay ang pagtuturo sa mga seminaryo.
Ayon kay ACN National Director Maximus Ventura, ang paglikom ng pondo ay laging kaakibat ng pagpapalakas ng pananampalataya o faith-raising. Panawagan niya sa lahat: “Share the Light, Keep it Lit!” para sa patuloy na pag-asa at pagkakaisa.






