MANILA, Philippines – Tinanggihan ni Lanao del Sur 1st district Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag na mahina ang bersyon ng Anti-Political Dynasty Law na isinusulong nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Sandro Marcos.
“I think it’s not fair to label it weak,” sabi ni Adiong noong Miyerkules, Pebrero 25. Aniya, wala pang umiiral na batas laban sa political dynasties sa pambansang antas, kaya titignan muna nila kung magiging implementable ang panukala.
Ayon kay Adiong, may dalawang umiiral na batas na puwedeng maging batayan: ang Sangguniang Kabataan (SK) law at ang Bangsamoro electoral code, na parehong may second-degree ban sa kandidato mula sa iisang political family.
Ang HB No. 6671, na co-authored ng 144 na miyembro ng Kamara, ay naglalarawan ng political dynasty bilang paghahari o konsentrasyon ng kapangyarihang pampolitika ng magkakamag-anak. Saklaw nito ang lahat ng elective posts mula pambansa hanggang barangay level, kabilang ang Presidente, Bise Presidente, Senador, Kongresista, gobernador, alkalde, at barangay officials.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring sabay na humawak ng posisyon ang mag-asawa o saklaw na kamag-anak sa iisang hurisdiksyon, para maiwasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan. “No, it’s not really about that, it’s actually balancing it out,” paliwanag ni Adiong sa tanong kung puwede pa rin tumakbo ang kamag-anak sa ibang distrito.
Pinunto niya na ang pangunahing layunin ng batas ay pigilan ang labis na konsentrasyon ng kapangyarihan sa isang lugar, hindi ang pagbawal sa buong pamilya na maglingkod sa iba’t ibang posisyon. RNT/MND