Home METRO Adjusted work schedule sa Metro Manila kasado sa Mayo 2

Adjusted work schedule sa Metro Manila kasado sa Mayo 2

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Magsisimula ang adjustment ng work schedule ng mga manggagawa sa local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) sa Mayo 2, ayon sa Metro Manila Council nitong Biyernes.

Sa isang press conference, sinabi ni MMC president at San Juan City Mayor Francis Zamora na nagdesisyon ang konseho na ilipat ang implementasyon nito mula Abril 15 upang bigyan ng sapat na oras ang LGUs at ang publiko na makapaghanda.

“Napagkasunduan po natin na yung inilunsad po na magiging 7 a.m. to 4 p.m. work schedule sa mga LGUs dito po sa Metro Manila, ito po ay sisimulan na natin sa May 2 na po,” pahayag ni Zamora.

Ayon kay Zamora, ang NCR LGUs ay may kabuuang halos 112,000 empleyado.

Nauna nang ipinasa ng MMC, binubuo ng 17 LGUs sa NCR, ang resolusyon na nag-aatas ng adjustment ng working hours sa LGUs mula sa tradisyunal na iskedyul na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

“The persistent traffic congestion in Metro Manila demands innovative solutions for the improvement of commuting conditions and the well-being of the citizens of the NCR,” saad sa resolusyon.

“The findings derived from the MMDA study underscore the potential effectiveness of implementing a standardized working schedule for government offices in Metro Manila, particularly during peak hours, in reducing traffic congestion,” dagdag nito.

Iminungkahi sa NCR LGUs na maglabas ng ordinansa upang ipatupad ang adjusted working schedule.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules na pinabibilis ng pamahalaan ang mass transit system sa bansa upang tugunan ang mga hamon sa trapiko.

”Ang tanging sagot dito ay talaga ay mga mass transit system kaya ‘yun ang aming minamadali. ‘Yun ang aming gagawing priority, hanggang ngayon ay priority– sa mga imprastraktura kontra sa trapiko,” pahayag ni Marcos sa Town Hall Meeting sa San Juan City. RNT/SA