MANILA, Philippines — Kinuha umano ng estudyanteng sangkot sa madugong pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) ang dalawang baril mula sa sasakyan ng kanyang ama, isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC), ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
Ayon sa isang ulat nitong Miyerkules, Agosto 19, sinabi ni Nepomuceno na karaniwang ginagamit ng ama ang naturang sasakyan sa paghahatid sa kanyang anak sa paaralan. Ngunit driver umano ng opisyal ang naghatid sa estudyante noong araw ng insidente.
“Supposed to be, babalikan siya ng driver niya. Nagkaroon tuloy na access ‘yung anak niya sa mga baril niya,” ani Nepomuceno sa panayam.
Sinabi ng BOC chief na dalawang baril ang nasa sasakyan, isa ang service firearm na pag-aari ng ahensya at ipinagkatiwala sa ama, habang ang isa naman ay personal nitong pag-aari.
Nauna nang kinumpirma ng BOC na ang government-issued firearm ay isang Glock 22, .40-caliber pistol, habang lisensyado naman ang isa pang personal na baril ng opisyal batay sa beripikasyon ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office.
Iniimbestigahan pa kung saan eksaktong nakalagay ang mga baril sa loob ng sasakyan at kung paano ito nakuha ng estudyante.
“We have to find out what really transpired inside the car,” ani Nepomuceno sa ulat.
Hindi pa rin umano matukoy kung dati nang naturuan ang estudyante sa paggamit ng baril.
Kasunod ng insidente, iniutos ni Nepomuceno ang relief at preventive suspension ng ama, na siyang district commander ng BOC Enforcement and Security Services sa Port of Zamboanga, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nilinaw ng BOC na isinasagawa ang hakbang upang matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang sa pag-iingat ng mga baril at hindi bilang pag-aakusa na may direktang pananagutan ang ama sa ginawa ng kanyang anak.
Iniutos din ng BOC ang malawakang inventory ng lahat ng service firearms ng ahensya at pagsusumite ng compliance reports hinggil sa mga patakaran sa gun safety, custody, transport, storage at safekeeping.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari, kabilang ang motibo sa pamamaril, kung paano naipasok ang mga armas sa paaralan at kung paano nagkaroon ng access sa mga ito ang menor de edad. Dave Baluyot