MANILA, Philippines- Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang naging direktiba nito sa Northern Luzon Command na palawakin ang kanilang “sphere of operations” ay hindi bilang tugon sa banta kundi paghahanda para sa “potential scenarios” kasunod ng ulat na pagsasagawa ng military drills ng Tsina sa paligid ng Taiwan.
Sa naging talumpati ni Gen. Romeo Brawner Jr. sa 38th Anniversary Program ng NOLCOM sa Tarlac City, sinabi nito na sinabihan na niya ang tropa na simulan na ang pagpaplano ng aksyon “in case there is an invasion of Taiwan,” sabay sabing ang Pilipinas ay magiging sangkot “inevitably.”
Ang NOLCOM ay isang unified command ng AFP na responsable para sa iligtas at pangalagaan ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon, kabilang na ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal at ang Philippine Rise.
Ang paliwanag nito, ang patakaran ay “prudent measure to ensure readiness” para sa posibleng sitwasyon.
“The guidance was not a response to an imminent threat nor a declaration of heightened alert, but rather a prudent measure to ensure readiness for potential scenarios,” ang sinabi pa ng AFP.
“Specifically, Gen. Brawner’s pronouncement emphasized Non-combatant Evacuation Operations preparedness, given the significant presence of approximately 250,000 Overseas Filipino Workers in Taiwan, ensuring their safety should the situation escalate,” dagdag nito.
Nauna rito, nagsagawa ng military exercises ang China sa paligid ng Taiwan kung saan ay nilahukan ito ng kanilang army, navy, air at rocket personnel.
Pinalibutan nito ang Taiwan na layong magsanay.
Una nang iginigiit ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang demokratikong teritoryo kasabay ng pagbabanta na gagamit ito ng pwersa para makontrol ang Taiwan.
Kaugnay ng patuloy na paggiit ng China, nag-deploy na rin ito ng mga fighter jets at naval vessels sa paligid ng Taiwan sa mga nakalipas na taon.
Sa kabila nito ay patuloy na iginigiit ng Taiwan na hindi sila pagmamay-ari at sakop ng China.
Kung maaalala, tinawag ni Taiwan President Lai Ching-te ang China bilang “foreign hostile force” at tiniyak na titindig laban sa makapangyarihang bansa.
Winika pa rin ng AFP na mayroon itong tuloy-tuloy na strategic planning para tugunan ang iba’t ibang security issues.
“It is essential to reiterate that the AFP’s actions are in direct alignment with our constitutional mandate. The AFP assures the Filipino people that we are dedicated to fulfilling our duty with utmost professionalism and vigilance,” ang sinabi pa rin ng AFP. Kris Jose