MANILA, Philippines – Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros nitong Lunes, Setyembre 21, 2026, ang agarang pagpasa ng Sagip Bata Act na magbibigay ng karagdagang kagamitan sa law enforcers para labanan ang Nihilistic Violent Extremism (NVE), kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato — ang ikatlong school shooting sa bansa simula Hunyo.
“Huwag po natin payagan na masabotahe ang pagpasa ng batas na ito. We cannot afford to delay any longer. Habang hindi ito napapasa, napipilayan ang ating mga law enforcers sa pagpigil sa pagkalat ng NVE sa bansa,” ani Hontiveros.
Binigyang-diin ng senadora na kapag naisabatas, papayagan ng panukala ang mga imbestigador na pormal na humiling ng subscriber at traffic data para sa mga kaso ng NVE, paiigtingin ang koordinasyon sa foreign law enforcement, at plalawakin ang kakayahan para sa intelligence gathering at undercover online operations.
“Huwag nating hayaang pakalat-kalat lang ang mga groomers online nang walang takot. Ipakita natin na mahuhuli sila at mananagot sa kasamaang dinudulot nila sa ating mga anak. These groomers have to pay the price,” dagdag niya.
Magpapakilala rin ang panukala ng age-assurance at age-verification requirements, kasama ang bagong compliance obligations para sa technology platforms.
Bukod dito, inaatasan ng bill ang online platforms na magtalaga ng Philippine-based legal representative na awtorisadong tumanggap ng subpoenas, takedown at blocking orders, at requests para sa account information, at iba pa.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang Sagip Bata Act, na nagpapalakas sa Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Act, ay isang priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council.
“Inaasahan kong kapag naipasa na ito sa Senado ngayong araw, dapat mabilis na ang tuluyang pagsabatas nito. Government should not let the interests of anyone get in the way of this bill’s passage. May responsibilidad tayo na protektahan ang ating kabataan, at wala tayong dapat ipagpaliban pa,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes