Home NATIONWIDE ‘Aging but good rice’ ibebenta ng NFA ng P29 kada kilo

‘Aging but good rice’ ibebenta ng NFA ng P29 kada kilo

MANILA – Inanunsyo ng National Food Authority (NFA) Council s ang pag-apruba sa programang Bigas 29, o ang pagbebenta ng “aging but good” stocks ng bigas sa mga piling benepisyaryo sa Kadiwa sites simula Hulyo.

“Ang programang ito ay pangunahing naglalayon na magbigay ng bigas sa abot-kayang presyo na PHP29 kada kilo para sa mga mahihinang sektor ng lipunan,” sabi ni Agriculture Secretary at NFA Council chairperson Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang pahayag.

Iginiit niya na ang Bigas 29 ay naaayon pa rin sa food security at affordability targets sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang sa mga target na benepisyaryo ay ang mga solo parents, senior citizens, persons with disability (PWD), at kalaunan ay Indigenous People (IP).

Samantala, tiniyak naman ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa ang magandang kalidad ng “aging” NFA rice na sumasailalim sa laboratory tests.

“Hindi maglalabas ang NFA ng stocks na unfit for human consumption. So, may procedure naman sila diyan kung talagang hindi na nabenta iyong mga lumang-luma na. Pero hindi naman umaabot doon,” paliwanag ng opisyal.

Sinabi ni De Mesa na ang palay ay itinuturing na “luma” kapag ito ay nai-stock sa loob ng anim na buwan, habang ito ay tatlong buwan para sa giniling na bigas.

Karaniwang ibinebenta ng NFA ang mga stock nito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD), at local government units (LGUs), bukod sa iba pa. RNT