Home NATIONWIDE Aksyon ng China sa mahigit 100 Filipino, ‘plain and simple extortion, blackmail’...

Aksyon ng China sa mahigit 100 Filipino, ‘plain and simple extortion, blackmail’ – DND

1
0

MANILA, Philippines – KINONDENA ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang napaulat na aksyon ng Chinese immigration laban sa mahigit 100 Pilipino dahil sa umano’y illegal employment at overstaying.

Para sa Kalihim, “The action against 100 Filipinos is plain and simple extortion and blackmail.”

“We strongly condemn both the attempt by China to interfere in our law enforcement processes and the blatant blackmail against Filipinos,” aniya pa rin.

Sinasabing ang naturang hakbang ng Tsina laban sa mahigit na 100 Pilipino ay ganti umano sa patuloy na law enforcement operations laban sa mga Chinese national sa Pilipinas.

Binigyang-diin ng kalihim na ang mga operasyon ay nakabatay sa mga search warrant na inisyu ng korte, tulad ng operasyon sa isang steel plant sa Misamis Oriental kung saan 69 Chinese worker ang naaresto.

Sa kabilang dako, hindi rin nagustuhan ni Teodoro ang umano’y kabiguan ng mga awtoridad ng Tsina na tugunan ang maling gawain ng kanilang mga kababayan.

Winika ni Teodoro na kung hindi sangkot ang mga Chinese national sa panloloko sa mga Pilipino, itatrato sila sa bansa na kapareho ng ibang dayuhang sumusunod sa batas.

Nauna rito, sinabi ni Guo Jiakun, Tagapagsalita ng Ministrong Panlabas ng Tsina (MOFA), na nagsagawa ang mga awtoridad ng imigrasyon ng Tsina ng aksyon laban sa mahigit 100 Pinoy na iligal na nagtatrabaho at namumuhay sa bansa alinsunod sa batas.

Ang nasabing aksyon ay bahagi ng pagsisikap ng mga awtoridad ng imigrasyon ng Tsina para paigtingin ang pagsusuperbisa sa mga dayuhang iligal na pumasok, namumuhay at nagtatrabaho sa Tsina at isagawa ang espesyal na operasyon alinsunod sa batas, ani Guo.

Binigyang diin ni Guo na habang isinasakatuparan ang espesyal na operasyon, istandardisado ang mga gawain ng staff ng mga awtoridad ng imigrasyon at lubos na naigarantiya ang karapatan at kapakanan ng mga may kinalamang dayuhan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here