PANG-12 araw na ngayon ang pabangis nang pabangis na digmaang nagaganap sa pagitan ng United States-Israel at Iran.
Sinasabayan pa ng pabangis na pabangis ding laban ng Russia at Ukraine-North Treaty Atlantic Organization o NATO.
Ang masama, nayayanig at naghihirap na ang mundo sa bunga ng kambal na digmaan ito.
Dahil sa mga digmaang ito, hindi na lang ang suplay ng langis kundi presyo nito, kasama ang fertilizer na nakaaapekto na rin sa produksyon ng pagkain.
Lumilikha ang mga digmaang ito ng matitinding krisis, lalo na sa katulad ng Pinas na 100 porsyentong nakadepende sa iba ang suplay ng langis at maging sa presyuhan dito.
Malaking bahagi rin ng abono para sa mga magsasaka ang imported galing sa Middle East, Ukraine at iba pa.
KRISIS SA LANGIS, PAGKAIN AT IBA PA
Sa ngayon, sarado ang Strait of Hormuz at Persian Gulf at nadamay na rin ang Red Sea na kung pagsamahin ang mga lumalabas na langis dito patungo sa ibang mga bansa, kabilang ang Pilipinas, nasa 32% lahat ng suplay ng langis.
Walang langis na lumalabas ngayon sa mga lugar at karagatang ito at kung mayroon man, kakaunti lamang.
Araw-araw namang may inaatake ang Ukraine na mga oil tanker at planta ng langis ng Russia kaya pahinto-hinto ang huli na magsuplay ng langis sa ibang mga bansa.
Kaya naririyan ang napakabilis na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa kakulangan ng suplay.
Sinasamantala pa ng mga oil trader ang sitwasyon upang mag-over price ang mga ito sa langis at abono.
Dahil sa matinding krisis sa suplay at presyo na dinaragdagan ng mga mapagsamantalang oil trader, pagdating sa Pinas, anak ng tokwa, naririyan ang mabilis at malakihang mga pagtaas ng presyo.
Kaya nitong Martes lang, nagtaas ng nasa P11 kada litro ang diesel, P4-5 ang gasolina at P12 ang kerosene habang nananatiling mahal ang mga abono.
Dahil dito, pangunahing nagtataas din ang presyo ng lahat ng pagkain, processed man o sariwa, karne o isda man o gulay, luto man o kilawin.
Ipinapatong ng mga pabrika, transporter at biyahero, magsasaka, mangingisda at iba pa ang mga gastos nila sa langis sa mga presyo ng kanilang mga produktong dinideliber o ibinibenta.
Kaya lahat, mayaman o mahirap, umaaray na sa presyo ngunit hindi lang sa pagkain kundi sa iba pa gaya ng pangangailangan ng milyon-milyong estudyante, gumagawa ng mga bahay, gusali at imprastraktura, gumagawa ng damit, appliances, gadget at iba pa.
May babala na nga rin ang mga kompanya ng kuryente na magtataas din sila ng singilin dahil sa mahal na langis.
PANAWAGAN SA PAMAHALAAN
Lahat na ay nananawagan para umaksyon nang epektibo ang pamahalaan para sagipin o tulungang umahon ang lahat sa krisis sa buhay, maging sa buhay-negosyo.
Anila, hindi sapat ang mga ayuda na pili lamang ang mga nakikinabang.
Dapat na umanong tingnan kung paano bawasan o tanggalin, halimbawa, ang mga buwis sa langis na kung mangyayari, ay pakikinabangan ng lahat.
Ang trilyon-trilyong korapsyon, dapat na buwagin upang ang salaping bayan ay maibuhos sa mga produktibong proyekto.
O paano?






