BATANGAS, Philippines – Nagpakita ng panibagong pag-aalburuto ang Bulkang Taal sa Batangas matapos ang biglang pagtaas ng bilang ng volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Phivolcs nitong Sabado, Agosto 15.
Nakapagtala ang Phivolcs ng 74 volcanic earthquakes, mula sa 15 lindol noong nakaraang araw. Kasabay nito ang tatlong volcanic tremor episodes na tumagal ng 12 hanggang 17 minuto.
Sa mga nakaraang araw, mas mababa ang naitalang aktibidad: 2 lindol at 1 tremor noong Agosto 7 at 8, 3 lindol at 2 tremor noong Agosto 9, tig-1 tremor noong Agosto 10 at 11, at walang naitalang seismic event noong Agosto 12 at 13.
Gayunman, mas mababa pa rin ito kaysa sa pinakamataas na naitala nitong mga nakaraang buwan, kung saan 120 volcanic earthquakes at 113 tremor episodes ang naitala noong Hulyo 6.
Iniulat din ng Phivolcs ang mahina ngunit tuloy-tuloy na sulfur dioxide (SO₂) emission na 422 metric tons bawat araw mula sa pangunahing bunganga ng Taal, at walang naobserbahang volcanic smog o vog.
Nanatili ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalburuto at nananatiling nasa abnormal na kalagayan ang bulkan.
Nagbabala ang Phivolcs na maaari pa ring magkaroon ng biglaang steam-driven o maliit na phreatomagmatic eruptions, volcanic earthquakes, ashfall, at pagbuga ng volcanic gases, lalo na sa loob ng Taal Volcano Island. RNT/MDS