Home NATIONWIDE Akusasyon ng PAOCC pinalagan ng Lucky South 99

Akusasyon ng PAOCC pinalagan ng Lucky South 99

MANILA, Philippines- Wala umanong basehan ang alegasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang Lucky South 99 Corporation, ang sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga, ay nagsasagawa ng ilegal na operasyon, ayon sa legal counsel ng kompanya nitong Linggo.

Sa isang media forum, inihayag ni Atty. Jovito Barte na ang Lucky South 99 ay mayroong provisional license mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), subalit pinawalang-bisa noong Mayo 22. 

Dagdag niya, tuluyang itinigil ng kompanya ang lahat ng operasyon nito bago ang pagsalakay noong Hunyo 4, o mahigit isang linggo matapos bawiin ang lisensya.

“They were already in the process of winding up their affairs. Kaya po no’ng pumunta po ‘yong joint forces ng PAOCC and PNP under search warrant, wala na pong tao doon or kung meron man, ‘yon po ay nasa proseso ng pag-sara ng kompanya,” anang abogado.

Noong Hunyo 4, sinalakay ng PAOCC, Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies ang Lucky South 99 compound, na pinaniniwalaang sangkot sa ilang ilegal na aktibidad.

Sinabi ni Barte na ilegal ang raid, at iginiit na ang una sa dalawang inisyung search warrants ay binawi dahil sa “procedural infirmities.” 

Wika pa niya, nagsagawa na ang mga awtoridad ng search and seizure operation sa loob ng tatlong araw nang walang court order. 

Dagdag ni Barte, mahigit 150 dayuhan ang hinuli nang walang warrant, at isinagawa ang pag-aresto sa paligid, hindi sa mismong compound. 

“Nilagay nila ‘yong compound under their control which is illegal because they don’t have the legal order in their possession They were only able to obtain another search warrant issued by the Executive Judge of San Fernando only on June 7 pero may mga inaresto po sila habang sila ay nandoon. Ito po ay warrantless arrest,” giit niya.

Ayon sa abogado, nilabag ng PAOCC ang alituntunin nang ituloy nito search and seizure operation nang walang presensya ng company representatives.

Hindi pa umano natatanggap ng kompanya ang imbentaryo ng mga nasabat na item.

Samantala, inihayag niyang maraming cellular phones na nasamsam sa raid ang mahalaga sa operasyon ng kompanya dahil target umano nito ang potential clientele na 1.4 bilyong manlalalaro sa China. 

Patuloy niya, ang dalawang lalaking natagpuang may galos sa katawan ay posible umanong biktima ng magkalabang gang, subalit wala umanong kinalaman ang kompanya rito.

Iginiit din ni Barte na ang nadiskubreng People’s Liberation Army uniform ay masyadong maliit para isuot ng isang tunay na sundalo at posible umanong costume o souvenir lamang ng isang bata.

“Kami po ay handang tumugon sa anomang kasong isasampa nila. Handa kaming sumagot sa anomang kataungan sa proper legal forum,” wika ni Barte. RNT/SA