Home HOME BANNER STORY ALAMIN: All Saint’s Day bakit tinawag na ‘Undas’ sa Pinas

ALAMIN: All Saint’s Day bakit tinawag na ‘Undas’ sa Pinas

MANILA, Philippines- Muli na namang gugunitain ng mga Pilipino ang “Undas” kung saan inaalala ang mga pumanaw na mahal sa buhay.

Ang “Undas” ay ang tawag ng mga Pilipino sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, kapwa religious holidays. Sa panahong ito rin ipinagdiriwang ang Halloween, isang sekular na pista na may sariling kasaysayan.

Bagama’t sumusunod ang mga Pilipino sa Kristiyanong pamamaraan ng pagpapakita ng paggalang sa mga namatay na, makikita sa paggunita sa holidays ang pinaghalong native at foreign na mga pamamaraan, relihiyoso at sekular na impluwensya na nakaugat sa malalim na respeto sa ng mga nabubuhay sa mga pumanaw na mahal sa buhay.

Nakalaan ang All Saints’ Day, ginugunita tuwing Nov. 1, para sa lahat ng mga santo, martyr, at banal na mga indibidwal. Samantala, ang All Souls’ Day tuwing Nov. 2 ay pag-alala sa mga pumanaw.

“That’s why we refer to the Communion of Saints, meaning there are among us members of the Church who are in heaven, there are among us who are preparing for heaven in purgatory, and those among us who are here in this world journeying to the end,” paliwanag ni Fr. Laguerta.

Nagsisimula ang “Undas” ng mga Pilipino pagsapit ng Nov. 1, kung saan nagtitipon ang mga pamilya sa mga sementeryo upang bisitahin ang mga puntod ng mga mahal sa buhay. Doon ay ipagdarasal ang mga patay habang nagsisindi ng kandila at nag-aalay ng mga bulaklak. Dahil ang All Saints’ Day’s ay may Christian roots, ilang Pilipino ang nagpapamisa para sa kanila.

Dahil sa “celebratory nature” ng “Undas”, nagiging pagkakataon ito para sa pagtitipon ng mga pamilya, maging kasiyahan habang inaalala ang mga oras na nabubuhay pa ang kanilang mga kaanak.

“It’s not that they are dead,” ani Fr. Laguerta, “because we know they have been in heaven. But we visit their final resting place because human beings that we are, we would like to always remember and we would like to give our respects, and also to connect with them even if they are long gone from us.”

Subalit, paano nga ba naging Undas ang tawag sa All Saints’ Day sa Pilipinas?

Sa isang ulat, sinabi ni Philippine studies professor Schedar Jocson na nagmula ang undas sa kasanayan ng mga Pilipino na paiksiin ang mga salita noong unang panahon.

“Yung mga Pilipino noon, dahil hindi nakapag-aral ng wikang Kastila, pinaiikli nalang yung mga pahayag. Undas means Dia Delos Todos Santos o ang ibig sabihin ay Day of All Saints,” paliwanag ni Jocson.

Sinabi pa ni Jocson na ang pinakamatandang sementeryo sa Metro Manila ay ang La Loma Cemetery.

Samantala, isa sa mga pinakapopular na pagkain na inihahanda ng mga Pinoy para sa mga namayapang mahal sa buhay ay kakanin tulad na lamang ng biko.

Dahil mayroon pa ring banta ng COVID-19, pinipili ng ilan na sa bahay na lamang gunitain ang Undas.

Isa sa mga paraan ng pag-alala sa mga pumanaw na mahal sa buhay sa labas ng sementeryo ay ang pananalangin. RNT/SA