MANILA, Philippines – Ipinrisinta ng Department of Health (DOH) ang mga itinalagang quadrant at ospital sa buong Metro Manila na mangunguna sa emergency health response ng gobyerno sakaling tumama ang malaking lindol na tinatawag na “The Big One” sa National Capital Region (NCR).
Nitong mga nakaraang linggo, ilang malalaking lindol ang nakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinakita ng DOH at mga kinatawan mula sa ilang ospital ang kanilang emergency response at contingency plan sakaling tumama ang malakas na lindol.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hinati ng ahensya ang Metro Manila sa apat na quadrants—North, East, West, at South—upang masiguro na organisado at mabilis ang medical response sa panahon ng malaking sakuna.
Paliwanag ng DOH, ang mga itinalagang quadrants ay magbibigay-daan sa mga kalapit na ospital ng DOH na tulungan ang iba pang medical facilities na maaaring mapuno o mapinsala kapag tumama ang malakas na lindol.
North Quadrant
• Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium
• San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital
• Valenzuela Medical Center
• East Avenue Medical Center
• National Children’s Hospital
• Philippine Orthopedic Center
• Quirino Memorial Medical Center
• Lung Center of the Philippines
• National Kidney and Transplant Institute
• Philippine Heart Center
• Philippine Children’s Medical Center
East Quadrant
• Amang Rodriguez Memorial Medical Center
• Rizal Medical Center
West Quadrant
• Dr. Jose Fabella Memorial Hospital
• National Center for Mental Health
• San Lazaro Hospital
• Tondo Medical Center
• Dr. Jose R. Reyes Memorial Medical Center
South Quadrant
• Research Institute for Tropical Medicine (RITM)
• Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center
Samantala, sinabi rin ni Herbosa na kailangang tiyakin ng mga health workers ang kaligtasan ng kanilang pamilya bago sila pumasok sa duty, dahil hindi aniya makakapagtrabaho nang maayos ang mga responder kung nag-aalala sila sa kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng malakas na lindol.
Ayon pa sa kalihim, nagpapatupad ang ahensya ng mandatory rest periods para sa mga tumutugon upang maiwasan ang burnout at matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon sa panahon ng krisis. Jocelyn Tabangcura-Domenden