MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara na handa siyang magsumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para sa pagsusuri ng House Infrastructure Committee.
Tinanong ni Akbayan Rep. Chel Diokno: “Are you willing to produce your SALN when you were district engineer?”
“Yes your honor,” sagot ni Alcantara.
Gayunpaman, tinanggihan niyang pirmahan ang waiver na nagbibigay-daan sa pag-access ng kanyang bank records at telecommunications data, at sinabing ito ay personal na karapatan sa privacy.
“Wala naman po ako tinatago pero siguro po it is my right to reject the request,” saad ni Alcantara.
Gayun din sa kanyang mga text record, sinabi niyang tumanggi siyang pirmahan ang waiver dahil ang history ng kanyang mensahe ay may “personal” na data na kinasasangkutan ng kanyang pamilya.
“Your honor, I would like not to sign the waiver. May mga personal po, pampamilya po dyan,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Alcantara na umaasa lamang siya sa mga representasyon at sertipikasyon na ibinigay sa kanya ng mga kawani ng distrito — tulad ng mga project engineer at accountant.
Hinatulang guilty si Alcantara sa maraming kasong administratibong isinampa laban sa kanya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Noong nakaraang linggo, kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagpapatalsik sa Alcantara matapos maiugnay sa “ghost” flood control projects sa Bulacan. RNT/MND