Home METRO Alegasyon ng pagbaha sa Olongapo, iimbestigahan ng DPWH

Alegasyon ng pagbaha sa Olongapo, iimbestigahan ng DPWH

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon noong Lunes na iimbestigahan niya ang alegasyon ng ilang residente na may kaugnayan ang isang solar power plant sa matinding pagbaha sa Olongapo City.

“Hindi ko po alam ‘yung tungkol sa solar power plant na ‘yan,” ani Dizon.

Dagdag niya, makikipag-ugnayan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Department of Energy (DOE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang alamin ang nangyari at kung may kaugnayan ang itinayong planta sa pagbaha.

Ayon sa isang residente, lumala umano ang pagbaha matapos maitayo ang solar plant.

“Sabi nga nila nung ginawa ‘yung solar, tumindi po ‘yung baha dito sa amin ulit. Kahit po hinuhukay na ‘yung ilog, tumaas pa rin po ng napakataas ‘yung baha,” aniya.

Ayon sa ulat, tapos na ang Phase 1 ng proyekto ngunit pinaplano pa ang Phase 2. Tutol naman si Barangay Sta. Rita kagawad Ronald Guevarra at ilang residente sa pagpapatuloy nito.

Noong Agosto 17, gumuho ang bahagi ng retaining wall malapit sa hangganan ng Barangays New Cabalan at Old Cabalan. Nadamay at gumuho rin ang isang bahay, ngunit walang naiulat na nasawi dahil walang tao sa loob nang mangyari ang insidente.

Samantala, sinabi ni Dizon na tututukan din ng DPWH ang mga flood control project na gumuho matapos ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan sa lungsod. Aniya, nasa ilalim pa ng warranty ang mga proyekto.

“Kailangan ayusin agad-agad ‘yan nung kontratistang gumawa ng walang cost sa gobyerno. So ‘yun muna ang uunahin natin,” ani Dizon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here