Home NATIONWIDE Aleson Shipping line, ilang tauhan ng MARINA, PCG mahaharap sa kasong administratibo,...

Aleson Shipping line, ilang tauhan ng MARINA, PCG mahaharap sa kasong administratibo, kriminal sa lumubog na RoRo Vessel – DOTr

192
0

MANILA, Philippines – Mahaharap sa mga kaso ang Aleson Shipping Lines Inc., dahil sa kapabayaan at mga paglabag sa kaligtasan na nauugnay sa kanilang passenger ferry na MV Trisha Kerstin 3, na lumubog sa karagatan ng Basilan at ikinasawi ng 52 katao, kabilang ang mga pasahero, crew, at isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG, maghahain ng kasong administratibo at kriminal laban sa Shipping line at mga tauhan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at PCG dahil sa nangyaring trahedya.

Sinabi ni Transportation Secretary Banoy Lopez na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paniningil ng pananagutan sa shipping line at mga ahensya ng gobyerno na sangkot.

Ibinunyag ni Lopez na sa kabila ng mga kakulangan sa safety certification, drydock compliance, at seaworthiness ng barko, nakapaglayag pa rin ang MV Trisha Kerstin 3.

Kabilang sa mga isyung natuklasan ng MARINA ay ang overloading ng pasahero at kargamento, hindi paggamit ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga, at di-pagkakatugma ng Passenger Manifest sa aktwal na bilang ng pasahero.

Iniutos ni Lopez ang pagtanggal sa tungkulin ng walong tauhan ng MARINA, kabilang ang Zamboanga Regional Director, at limang tauhan ng PCG na nagsagawa ng pre-departure inspection.

Dagdag pa rito, inatasan ang MARINA na maghain ng mga administratibong kaso laban kina Engr. Jedini Nur Sibal, Engr. Bevin Bibi, at Jose Ray Quimiguing dahil sa kapabayaan.

“Kung mapatunayang malaki ang kanilang pagkukulang, hindi kami mag-aatubiling magsampa ng criminal cases laban sa kanila para sa posibleng paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” dagdag ni Lopez.

Bilang bahagi ng corrective measures, inatasan ni Lopez ang mahigpit na pagsunod sa safety protocols tulad ng pagkakaroon ng life vests sa ilalim ng mga upuan ng barko at inflatable life racks na laging handa.

Maglalabas din ng Department Order para sa risk-based categorization ng mga barko at ruta upang maiwasan ang ganitong trahedya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here