Home NATIONWIDE Alvarez sa panawagang tigil-suporta ng AFP, PNP kay PBBM: Paano naging seditious...

Alvarez sa panawagang tigil-suporta ng AFP, PNP kay PBBM: Paano naging seditious ‘yun?

MANILA, Philippines – Itinanggi ni Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez nitong Martes, Abril 16, na gumawa siya ng sedisyon nang umapela siya sa militar na bawiin ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang maiwasan ang paglala ng tensyon sa West Philippine Sea.

Sa isang press statement, kinuwestiyon ni Alvarez kung paano maituturing na seditious ang kanyang panawagan para sa militar, na ginawa niya sa isang rally sa Tagum City noong Linggo ng gabi, kung hindi puwersa o armadong pag-aalsa ang kanyang pinag-uusapan.

“Paano naging seditious o disorderly conduct ‘yung sinabi ko eh peaceful nga at orderly. Meron dissatisfaction sa AFP (Armed Forces of the Philippines),” aniya.

Nilinaw ni Alvarez na hindi siya nanawagan ng armadong tunggalian o pag-aalsa ng publiko, at walang puwersa o pananakot ang kanyang panawagan.

“At kung sasabihin man ‘outside of legal’ yung ‘means,’ bakit bawal ba mag-resign ang mga sundalo bilang withdrawal of support kung hindi na sila naniniwala sa direksyon ng liderato? Karapatan din nila ‘yan, constitutionally protected rights ‘yan,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Binigyang-diin ni Alvarez na sa ilalim ng Konstitusyon, ang AFP ay “tagapagtanggol ng mamamayan at ng Estado.”

Sa rally noong Linggo sa Tagum City, umapela si Alvarez sa organisasyon ng militar na bawiin ang suporta kay Marcos.

“Nakikiusap ako sa inyo. We don’t have to hurt each other. We don’t have to fire a single shot. Simple lang, sa mapayapang paraan. Please withdraw your support to the Chief Executive,” aniya pa. RNT