Home HOME BANNER STORY Ambush sa convoy ng BARMM chief, posibleng election-related — PNP

Ambush sa convoy ng BARMM chief, posibleng election-related — PNP

1
0

MANILA, Philippines — Itinuturing muna ng Philippine National Police (PNP) na suspected election-related incident ang pananambang sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa motibo at mga salarin.

Ayon kay PNP spokesperson PCOL Allen Rae Co, ikokonsidera muna ang insidente bilang posibleng may kaugnayan sa halalan dahil sangkot dito ang isang kandidato o public official at nangyari ito sa panahon ng election period.

Gayunman, nilinaw ng PNP na hindi pa pinal ang naturang klasipikasyon. Kailangan pang magpulong ang mga kinauukulang ahensya, kabilang ang Commission on Elections (Comelec), upang alamin kung pasok ang insidente sa mga pamantayan para opisyal na maituring na election-related.

Bandang alas-4:45 ng hapon noong Sabado, Agosto 15, pinaputukan ng mga armadong lalaki ang limang-sasakyang convoy ni Macacua habang binabagtas ang General Santos-Cotabato National Highway sa Maguindanao del Norte.

Ligtas si Macacua at kanyang entourage sa insidente, habang ilang sasakyan sa convoy ang tinamaan ng bala. Kinumpirma rin ng PNP na iniimbestigahan nito ang pananambang.

Galing si Macacua sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan matapos dumalo sa proclamation rally ng Bangsamoro Federalist Party (BFP), kung saan siya nagsisilbing chairman.

Nauna nang ipinag-utos ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa PNP at Armed Forces of the Philippines na tukuyin at papanagutin ang mga nasa likod ng pag-atake. Iginiit din ng poll body na mahalagang mapanatili ang peace and order sa rehiyon habang papalapit ang Bangsamoro parliamentary elections.

Sa kabila ng pananambang, sinabi ng Comelec na tuloy ang nakatakdang BARMM parliamentary elections sa Setyembre 14 at hindi sapat ang insidente upang ipagpaliban ang halalan.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang mga salarin at kung politika o ibang motibo ang nasa likod ng pag-atake. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here