Home NATIONWIDE Amihan, shear line, at easterlies sanib-puwersang magpapaulan sa Luzon

Amihan, shear line, at easterlies sanib-puwersang magpapaulan sa Luzon

185
0

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at iba pang lugar sa bansa ang Northeast Monsoon o amihan, shear line, at easterlies ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa PAGASA, maaapektuhan ng shear line ang silangang bahagi ng Southern Luzon, habang ang amihan naman ay mararamdaman sa iba pang bahagi ng Luzon. Makaaapekto rin ang easterlies sa natitirang bahagi ng bansa.

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at panaka-nakang pagkidlat at pagkulog ang Bicol Region, Isabela, Quirino, Aurora, Quezon, Rizal, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon dahil sa shear line. Posibleng magdulot ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar.

Magkakaroon naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat ang Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at SOCCSKSARGEN dahil sa easterlies. Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga panahong may katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may bahagyang pag-ulan dahil sa amihan, na walang inaasahang malaking epekto. Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, at natitirang bahagi ng CALABARZON.

Sa iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat dahil sa easterlies. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng matinding thunderstorms.

Samantala, makararanas ang Northern Luzon at silangang bahagi ng Central at Southern Luzon ng katamtaman hanggang malakas na hanging mula hilagang-silangan na may katamtaman hanggang maalong karagatan. Sa natitirang bahagi ng bansa, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin mula silangan hanggang hilagang-silangan at bahagyang hanggang katamtamang alon sa dagat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here