Home METRO Anak na ‘di na umuuwi ng bahay inatado ng saksak ni erpat!

Anak na ‘di na umuuwi ng bahay inatado ng saksak ni erpat!

MANILA, Philippines – Sugatan ang isang 33-anyos na babae matapos na pagsasaksakin ng kanyang ama sa kanilang tahanan sa Barangay Nalsian, Calasiao, Pangasinan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa kanyang silid ang biktima nang biglang pumasok ang kanyang ama na may dalang kutsilyo at sinimulan siyang saksakin.

Nakatakas naman ang babae at agad na dinala sa ospital sa tulong ng mga kapitbahay.

Base sa imbestigasyon, nagawa ng suspek ang krimen sa biktima dahil sa hindi umano nito madalas na pag-uwi sa kanilang bahay.

“Kasi hindi na umuuwi ‘yung anak doon, [‘yun] ang naging ugat ng hindi nila pagkakaintindihan ng mag-ama,” ani PLT. Noel Domalanta, Duty Officer ng Calasiao Police Station.

Arestado ang 66-anyos na suspek. Narekober ang kutsilyong ginamit sa pag-atake, na may sukat na mahigit 10 pulgada ang haba.

“Humihingi ako ng tawad sa kanya dahil nagkamali ako… sana mapapatawad pa niya ako dahil mahal ko ‘yung anak ko,” ayon sa suspek na nahaharap sa kasong frustrated parricide. RNT