Home NATIONWIDE Tolentino sa Laguna graduates: Maging critical thinkers, problem solvers

Tolentino sa Laguna graduates: Maging critical thinkers, problem solvers

Maging critical thinkers at problem solvers. Ito ang pangunahing mensahe ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino sa mahigit isang libong nagtapos na estudyante ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa San Pablo City, Laguna noong Miyerkules.

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa graduating batch ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa San Pablo City, Laguna na maging critical thinkers at problem solvers sa pagkamit ng mga oportunidad at pag-explore ng mga bagong hamon sa kanilang paglabas sa unibersidad.

Si Tolentino ang naging pangunahing tagapagsalita noong Miyerkules (Hulyo 3) sa mahigit isang libong nagsipagtapos na mga mag-aaral mula sa iba’t ibang programang pang-akademiko ng LSPU.

“Your education is not just about the degree you earned, but the knowledge and wisdom you acquired,” ayon sa senador.

“Use your education to become critical thinkers and problem solvers, and to develop the ability to adapt and thrive in our rapidly changing world,” dagdag niya.

Kasama ng senador sa commencement rites sina San Pablo City Mayor Vicente Amante, LSPU President Dr. Mario R. Briones, at iba pang opisyal ng unibersidad.

Pinuri ang San Pablo na kilala bilang isang progresibong komunidad na biniyayaan din ng likas na yaman, hinimok ni Tolentino ang mga nagsipagtapos na maging maipagmamalaking kinatawan ng kanilang lungsod at unibersidad sa anumang larangang kanilang pipiliin.

“Maging maipagmamalaking kinatawan ng inyong paaralan at ng inyong lungsod. Ipakita n’yo ang kahusayan at diwa ng magandang lungsod ng San Pablo,” idiniin ni Tolentino.

Kinilala rin ng senador ang mga magulang, propesor, at administrador ng unibersidad sa kanilang tungkulin sa paghahanda ng mga kabataan na maging produktibo at responsableng miyembro ng lipunan. RNT