PERSONAL na nasaksihan ng inyong PAKUROT ang serbisyong ibinibigay ng Social Security System sa mga miyembro o kaya naman ay sa mga benepisyaryo o tagapagmana ng mga ito.
Buong akala ko ay main branch ng SSS ang aking pinuntahan dahil sa dami ng tao na nagtutungo roon para sa iba’t ibang transaksyon subalit noong natapos na ang aking kailangan ay tsaka lang nabatid na iyon pala ay SSS Diliman branch.
Sobrang napahanga ako ng tanggapang ito na akala ko nga ay doon lahat pinoproseso ang lahat ng serbisyo ng SSS. Bakit?
Kasi nga, napaka-organized o may sistema silang ipinatutupad pagpasok mo pa lang sa kanilang tanggapan.
Ang mga gwardiya ay sobrang magagalang at umaasiste sa papasok pa lang na miyembro o sinoman na may transaksyon kaugnay sa mga serbisyo at programa ng SSS.
Lahat ng pumasok ay dumaraan sa pagkuha ng numero upang hindi sila maligaw ng pila at hindi magkaroon ng palakasan. Gayunman, prayoridad siyempre ang senior citizen, persons with disability at buntis.
Kapag umasiste ang mga tauhan ng SSS Diliman sa pamumuno ni Leo Danao, Branch Head III, ay talagang todo-todo. Hindi ka iiwanang nakabitin sa ere. Ipaliliwanag ang mga kailangang gawin at aasiste talaga sa kung anong dapat gawin ng miyembro o kaya naman ng benepisyaryo.
Laking pasalamat ng inyong PAKUROT kay Jasper de Guzman, Asst. Branch Head, sapagkat talagang umalalay siya sa kung anong dapat gawin at anong dapat tapusin upang maayos ang kailangan sa kanilang branch.
Hindi lang ang inyong lingkod ang inasikaso nitong si De Guzman subalit maraming iba pang lumapit sa kanyang mesa. Hindi man kilala ay talagang tumayo ang opisyal na ito ng SSS Diliman at sinamahan sa kung saan dapat makipagtransaksyon ang lumapit sa kanya.
Maging ang mga tauhan sa departamento ni De Guzman ay talaga naman napakagagalang at totoong nagseserbisyo sa mga miyembro.
Ang lahat ng ito ay sa kabila ng pinalalakas ng SSS ang kanilang online service program. Gayunman, ipinaliliwanag pa rin ng mga taga-SSS na mas mabilis magproseso sa online. Pero marami pa rin ang nagtutungo at pumipila sa mga branch office dahil mas gusto nila ang personal approach.
Pero ako, iba ang katwiran o dahilan ko. Bongogs or mahina ang inyong lingkod sa paggamit ng teknolohiya. Hindi sanay sa sopistikadang approach. Ha! Ha! Ha!






