Home ENTERTAINMENT Anne Curtis, nabahala sa kalagayan ng Sierra Madre

Anne Curtis, nabahala sa kalagayan ng Sierra Madre

264
0

Nagpahayag ng pagkabahala ang TV host-actress na si Anne Curtis matapos niyang makita sa social media ang kalunos-lunos na kalagayan ng bahagi ng Sierra Madre, partikular sa Dinapigue, Isabela.

Sa pamamagitan ng X (dating Twitter), ni-repost ni Anne ang aerial photos ng Sierra Madre na nagpapakita ng matinding deforestation—na umano’y resulta ng pagmimina sa lugar. Kalakip ng larawan ay ang tanong ng isang netizen: “Mas mahalaga ba ang perang mapupunta sa bulsa kaysa sa kaligtasan ng mga residente?”

“Is this real?!” ang reaksyon ni Anne, na malinaw na nagpapahiwatig ng pagkabigla at pagkadismaya sa tila unti-unting pagkaubos ng gubat ng Sierra Madre—na itinuturing na natural na panangga ng Luzon laban sa malalakas na bagyo.

Sumunod na rin sa pagpapahayag ng saloobin ang aktor na si Jake Ejercito, na iginiit ang kahalagahan ng Sierra Madre bilang “protective barrier” laban sa matitinding weather disturbances. Aniya, kung patuloy na wawasakin ang mga kagubatan sa ngalan ng pagmimina, mawawalan ng natural defense system ang malaking bahagi ng bansa.

Ayon sa mga ulat, pinayagan umano ng lokal na pamahalaan ng Dinapigue ang 25-taong operasyon ng pagmimina sa lugar, sa pangunguna ng Dinapigue Mining Corporation. Ito ang itinuturong dahilan ng pagkakalbo ng kagubatan sa lugar.

Dahil dito, muling nanawagan ang mga netizen—pati na ang ilang personalidad—sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na agarang tugunan ang isyung ito.

Sa industriya ng showbiz na aktibo sa mga environmental advocacies, inaasahang mas lalakas pa ang panawagan upang protektahan ang natitirang bahagi ng Sierra Madre—hindi lang para sa kasalukuyan, kundi lalo na para sa mga susunod na henerasyon. Ronnie Carrasco III

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here