MANILA, Philippines – Halos 200 Filipino na ang apektado at nawalan ng tirahan sa wildfire sa Los Angeles, California.
Ayon kay Philippine Consul General in Los Angeles Adelio Angelito Cruz, ang bilang ng mga Filipino na apektado ng nagpapatuloy na wildfire sa LA ay umakyat sa 191 at inaasahang patuloy na tataas sa mga susunod na araw.
“Sa ngayon po ang huling tala namin ay umabot na ng 191 dahil may humingi na pong tulong na 12 pamilya at inaasahan po namin na ito’y tataas pa po sa darating na mga araw,” ani Cruz, sa panayam ng GMA News.
Sa kabila nito, siniguro ng opisyal na ililipat sa mga evacuation center ang mga apektadong Filipino kung saan sila magiging ligtas.
Inaalam na ng mga opisyal ng pamahalaan kung kabilang sa housing insurance ang tirahan ng mga Filipino na nasunog sa wildfire. RNT/JGC