Home OPINION APELA NG SENIORS: TANGGALIN ANG BOOKLET

APELA NG SENIORS: TANGGALIN ANG BOOKLET

BIHIRANG-BIHIRA, kung nangyayari man, na nagsusulat ako ng pansariling interes dito sa Firing Line. Pero sa edad kong ito na nakikisimpatiya na ako sa pinakanakatutuwang marginalized sector ng lipunan, pakiramdam ko ay obligasyon kong gamitin ang platform na ito upang ipaglaban ang kapakanan ng matatanda (Hindi halata na dual citizenship ka na – Ed).

Oo naman, aminado akong nasa “age of thunders” na, at gaya ni Thor, gusto kong hatawin ng martilyo ang aking punto para dumagundong hanggang Kongreso na wala nang pakinabang na anoman ang Senior Citizen Purchase Booklets.

Maaaring naging malaking tulong noon ang booklet system, pero ngayon, perwisyo na lamang ito sa ating senior citizens. Dagdag-abala lamang ito para sa mga nakatatanda — na iritable na nga sa mga iniinda nilang pananakit ng katawan dala ng kanilang edad — na kailangan pang huwag kalimutang bitbitin ang booklet na ito tuwing bumibili ng kanilang mga pangangailangan o gamot.

Kung hindi nila matandaan kung saan ito naitabi o kaya naman ay naiwan sa bahay, hindi sila mabibigyan ng mga diskwento, na sa totoo lang ay ligal na karapatan naman nila. Sa panahon ng emergency, talagang pahirap ang booklet na ito, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang gamutan.

Sa ilalim ng House Bill 10893 ni Rep. Gus Tambunting, tinatanggal na ang sinaunang sistemang ito kapalit ng mas episyenteng paraan na digital. Bakit ipinagpipilitan ang antigong nakaimprentang libreta kung lahat tayo ngayon ay pinapadali na ng teknolohiya ang mga buhay?

Ang pag-apruba kamakailan sa House Bill 10313 ay patunay ng kagustuhan ng Kongreso na makaagapay sa modernong panahon; pinahihintulutan nito ang seniors at PWDs na gumamit ng digital ID sa eGov PH Super App, kung saan may seguridad sa paggamit ng biometric verification. Mas madali na rin para sa nasabing platform na magkaloob ng mga prebilehiyo nilang diskwento sa bawat pagbili, kaya hindi na kailangan ng pisikal na booklet.

Magprangkahan na tayo: hindi lamang ito tungkol sa kung ano ang kumbinyente; tungkol ito sa respeto sa ating mga nakatatanda at PWDs. Ang pag-obliga sa kanila na laging bitbitin ang isang hindi naman na kinakailangang booklet para lang maibigay ang kanilang pangunahing karapatan ay hindi lamang basta dagdag-isipin sa kanila — nakakawala ito ng dignidad.

Sa pamamagitan ng teknolohiya, nagkakaroon tayo ng pagkakataong bigyang-pugay ang ating mga nakatatanda dahil ginagawa nating mas maginhawa ang buhay para sa kanila, hindi iyong lalo pang pahihirapan. Piliin natin ang sistemang ginagamitan ng teknolohiya na bukod sa napapanahon ay nagbibigay-respeto pa sa karapatan nilang mga nauna sa atin dito sa mundo.

 Kongreso, hindi lamang ito simpleng kahilingan. Isa itong paalala sa aking tungkulin, gayundin sa maraming kagaya ko d’yan sa kapulungan na batid ang mga hirap na pinagdadaanan ng mga nagkakaedad. Aprubahan na ninyo ang House Bill 10893 at bigyan ang ating mga nakatatanda at mga PWDs ng solusyon na rumerespeto sa kanilang dignidad at oras. Maaaring marami sa amin ang hindi techies sa digital world ng kasalukuyan, pero hayaan natin ang ating mga sarili na makinabang sa mga umiiral nang tech-driven initiatives na sadyang ginawa para sa ating kapakanan.

                               *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).