MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) nitong Miyerkules ang hurisdiksyon ng korte upang dinggin ang kaso laban sa dating pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte, na nahaharap sa kasong crimes against humanity.
Tinanggihan ng hukuman ang lahat ng apat na argumento ng kampo ng depensa ni Duterte at kinatigan ang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Oktubre 28, 2025, na nagbasura sa hamon sa hurisdiksyon ng korte.
“Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot,” ayon kay Presiding Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza.
Binubuo ang Appeals Chamber nina Judges Luz del Carmen Ibáñez Carranza, Tomoko Akane, Solomy Balungi Bossa, Gocha Lordkipanidze, at Erdenebalsuren Damdin. Sa botohan, ibinasura ng mayorya ang apela, habang naglabas ng partial dissent si Judge Lordkipanidze sa isang punto.
Ayon kay Carranza, walang nakitang “error” ang hukuman sa interpretasyon ng Pre-Trial Chamber sa Articles 12 at 13 ng Rome Statute, na nagsasaad na kailangang kasapi ng kasunduan ang isang estado sa oras na ipinatutupad ang hurisdiksyon.
Binigyang-diin din ng korte na dapat basahin ang mga probisyong ito kasabay ng Article 127 na tumatalakay sa pag-alis ng isang estado sa Rome Statute. Ayon sa ICC, dapat itong bigyang-kahulugan sa “systemic manner” alinsunod sa layunin nitong wakasan ang impunidad sa pinakamabibigat na krimen sa mundo.
Giit ng hukuman, magiging salungat sa layunin ng kasunduan kung papayagang makaiwas sa pananagutan ang isang bansa sa pamamagitan ng pag-withdraw matapos simulan ng ICC ang pagsusuri sa mga alegasyon.
Isinagawa ang paglalabas ng desisyon sa open court, kung saan hindi dumalo si Duterte at pinili niyang isuko ang kanyang karapatang humarap. Kinatawan siya ng kanyang defense counsel na si Nicholas Kaufman.
Nilinaw ng ICC sa hiwalay na pahayag na ang desisyon ay tumutukoy lamang sa hurisdiksyon at hiwalay ito sa nalalapit na ruling sa confirmation of charges na inaasahang ilalabas hindi lalampas sa Abril 28.
Si Duterte ay iniuugnay sa crimes against humanity, partikular sa murder at attempted murder, na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong alkalde pa siya ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Inaresto siya noong Marso 12, 2025 at nananatiling nakakulong sa ICC. Dave Baluyot