BATANGAS, Philippines – Isang aplikante ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nahulihan ng mga ilegal na drug paraphernalia habang sasailalim sa neurological examination sa Batangas.
Sinabi ng PCG na ang lalaking suspek ay isinailalim sa regular na inspeksyon ng mga tauhan ng Coast Guard District Southern Tagalog (CGDST) sa isinagawang pagsusulit sa punong tanggapan ng distrito sa Batangas noong Setyembre 2.
Sa pag-inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang mga kahina-hinalang gamit mula sa bag ng aplikante na may kasamang aluminum foil at isang glass pipe.
Nakipag-ugnayan ang Investigation Detection Unit-Southern Tagalog (IDU-STL) ng PCG sa Batangas Provincial Forensic Unit para sa pagsasagawa ng drug test sa individual at laboratory examination ng mga nasamsam na ebidensya.
“The results later confirmed the presence of Methamphetamine Hydrochloride (kilala bilang shabu),” sinabi ng PCG noong Biyernes, Setyembre 5.
Hindi na pinayagang kumuha ng qualifying exams ang suspek para makapasok sa PCG.
Bukod pa dito, nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Section 12 (Possession of Equipment, Instrument, Apparatus and Other Paraphernalia for Dangerous Drugs), at Section 15 (Use of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“The respondent is currently under custody at one of the custodial cell pending court proceedings demonstrating CGDSTL’s firm commitment not only in apprehending violators but also in filing proper charges and managing detainees in its own custodial facility in accordance with due process of law,” ayon sa PCG. RNT/MND