Home NATIONWIDE Appointment ni Cacdac bilang DMW chief nilaktawan ng CA

Appointment ni Cacdac bilang DMW chief nilaktawan ng CA

MANILA, Philippines- Tuluyan nang nilaktawan ang ad interim appointment ni Hans Leo Cacdac bilang kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pag-adjourn ng sesyon ng Kamara.

Kinumpirma ito ni Senate President Francis Escudero, siya ring chairperson ng Commission on Appointments—ang grupong binubuo ng Senado at ng Kamara na sumasala sa presidential appointees.

“Bypassed na siya at kailangan siya i-reappoint ng presidente,” pahayag ni Escudero sa Kapihan sa Senado forum nitong Huwebes.

Magbabalik-sesyon ang mga mambabatas sa July 22.

Nitong Martes, ipinagpaliban ng CA committee on migrant workers ang deliberasyon sa appointment ni Cacdac dahil sa “lack of material time” upan talakayin ang mga isyu hinggil sa kanyang nominasyon.

Sa pagdinig, inihayag ng ilang mambabatas ang suporta para kay Cacdac, subalit lumitaw ang dalawang indibidwal sa CA panel upang ihayag ang kanilang oposisyon.

Inilahadni Ferdinand Delos Reyes, isa sa mga kumontra sa appointment, ang conflict of interest mula sa umano’y pagmamay-ari ni Cacdac ng dummy recruitment agencies.

Itinanggi naman ni Cacdac ang alegasyon.

Noong Abril, itinalaga ni Marcos si Cacdac upang pamunuan ang DMW matapos manungkulan bilang officer-in-charge kasunod ng pagkamatay ng dati nitong kalihim na si Susan “Toots” Ople noong Agosto 2023. RNT/SA